Relasyon nina Pangulong Marcos at Imee walang lamat - Palasyo

MANILA, Philippines — Walang lamat ang relasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at kanyang kapatid na si Senador Imee Marcos.
Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na kung titingnan ang mga pahayag ni Senador Imee ay parang mayroong lamat o hidwaan ang relasyon ng magkapatid.
Subalit sa panig aniya ng Pangulo ay hindi masasabing may lamat ang relasyon ng magkapatid dahil hindi naman ito pikon kaya kahit anong banat sa kanya, at kahit na nakikita si Imee sa rally ng Maisug at ang paninira ni dating pangulong Rodrigo Duterte kay Marcos ay walang naririnig sa Pangulo.
Wala rin aniyang naririnig mula sa Pangulo na anumang hinanakit para sa kanyang kapatid.
Sa pagkalas naman ni Sen. Imee sa partidong Alyansa, sinabi ni Castro na ang senador na mismo ang nagsabi na kumalas siya dahil hindi na pareho ang kanilang mga adbokasiya, kaya mas maganda na rin na umalis siya dahil hindi rin magkakaroon ng magandang relasyon sa pagitan nila.
“Wala po tayong nadidinig na salita mula sa Pangulo. Siya lamang po ang nagsasalita ng mga bagay-bagay na katulad ng ganiyan. Siguro iyan po ‘yung kanyang (Imee) pananaw pero sa Pangulo po., wala po tayong madidinig,” saad pa ni Castro.
- Latest