Junior Altas target ang semis
MANILA, Philippines — Pupuntiryahin ng University of Perpetual Help System DALTA ang tiket sa Final Four ng NCAA Season 100 juniors basketball tournament sa pagsagupa sa San Sebastian College-Recoletos.
Haharapin ng Junior Altas ang Staglets ngayong alas-8 ng umaga sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Nagmula ang Junior Altas sa 103-84 paggupo sa Emilio Aguinaldo College Brigadiers para iposte ang 6-1 record noong Linggo.
Muling aasahan ni coach Joph Cleopas sina JD Pagulayan, Jericho Cristino, Lebron Jhames Daep at Jan Roluna sa misyong makasampa sa Final Four.
Nasa likod ng Junior Altas sa itaas ng team standings ang Letran Squires at Mapua Red Robins na may magkatulad na 5-2 kartada habang may magkaparehong 4-3 baraha ang San Beda Red Cubs, Brigadiers at St. Benilde-La Salle Greenhills Greenies.
May 3-4 marka ang Arellano Braves kasunod ang Jose Rizal Light Bombers (2-5) at Staglets (2-5) at sibak nang Lyceum Junior Pirates (0-7).
- Latest