Kapag may audience participation sa studio
At natawag kailangan sa entablado,
Sinasabi namin ay “Bumaba ho kayo!”
Ngek! Hindi ba katunog “Bumabaho kayo!”
He, he, he… lalo na’t paulit-ulit ito,
Dito na talagang magtatawanan tao!
Tulad din yan pag may pinaghihintay kayo,
“Wait po, wait po!” katagalan ay tunog wet-pu!
Hindi na mabubura pa at mababago
Ang pinakapopular sa mga ganito —
Yung “O kumusta na ang utang ng ina mo?”
May ma-drama pa nga dating … tanging ina mo!
Double entendre ang tawag sa mga ito,
Double meaning kumbaga o doble sentido!
Dobol antandra sa bigkas Amerikano
At sa mga Pranses naman ay doblon tondo!
Paglalaro rin ng mga salita ito
Upang maging dalawa kahulugan nito!
Karaniwan ay sinasadya sa totoo
Para lang may mapagtawanan mga tao!
Madalas din sa tinatawag innuendo,
May kalaswaan o kaya ay sekswal ito!
May pagkakataon pang nagagawang tatlo
O mahigit pa ang ibig sabihin nito!
Sasabihin ng ibang kabastusan ito!
Ngunit para sa akin ito ay pang-henyo!
Ops, kitams at tumirada na naman ako!
Napansin nyo bang sinabi ko ang panghe nyo?!
Hindi naman sa ipinagmamalaki ko
Datapwa’t subalit magalit na nga kayo,
Ito’y isang accomplishment! Discovery ‘no!
Not for kawanggawa but … tawanggawa ito!
Sandali nga lang, ito ba’y nalalaman nyo —
Na ubra mong pag-isipan kahit na ano,
Masama man o mabuti gustong scenario?
Kaya ‘wag judgmental ang sabi sa aming show!
In other words ‘wag kayong ipok este, ipot rito!
No more double entendre, akin nang dineretso —
Mantsa at tagos lang kayo sa ating mundo!
Ba’t ‘di kayo magpakatae este, tao?!
Malaki pasasalamat ko sa totoo
Sa nakahiligan kong “paglalarong” ito —
Paglalaro ng salita’t kung hindi dito,
“Eat Bulaga” ‘di maiisip na titulo!
Ang “Iskul Bukol” nga kung tutuusin ninyo
Eh walang kawawaa’t salita lang kanto!
Hindi tulad “Bulaga” it means surprise ito!
Surprise at Lunch kung kaya nga may “Eat” o ano?!
Pwedeng hindi nyo matanggap sasabihin ko
Sapagakat ang nakaisip ay hindi kayo!
Talagang laro ang sinasabi ng tao!
Baliktarin nyo laro at oral ang gets nyo!
“Flush Report” ang original na title nito
Pero “sakit” ko na yata talaga ito —
Maglaro ng salita kaya ito bago ¸—
“Around the word” kasabay pa isang hilig ko!