‘Adios Ala Cubana!’
Kasabihang habang bata pa ay maglakbay!
Hanggang malakas pa at ‘di pa inaakay!
Basta ba may panggastos sakay lang nang sakay!
The world is your playgroud kaya sige lang and FLY!
Pun intended — paglipad talaga ay may HIGH!
Hayyy ang sarap at pandagdag kulay sa buhay!
Mga nais pasyalan inyo nang ihanay,
Sarap ng pakiramdam pag may hinihintay!
Ngunit kahit ayos ang iyong paghahanda;
Kahit bayad sa tiket naibigay na nga,
May nangyayari pa ring ‘di inaakala!
Ngek! At ‘yan nga dinanas ng inyong makata!
Aba’t panglabing-apat na cruise ko na sana
Lulan ng cruise ship na Insigna ng Oceania
At ang lahat ay binayaran na noon pa
Papunta sa matagal nang puntirya….CUBA!
July 11 next month sasakay na sana
Pero caramba! Acheche ni Che Guevara!
Last week lang cruise ships from Miami no puede na!
Biglang pinagbawal muli ng Amerika!
Ngek! Que paso? Itinerario cancelado!
At ‘yung barko ang ruta bigla ring nagbago!
Relasyon ng U.S. — Cuba medyo gumulo!
Order: “Don’t spend U.S. Dollars in Cuba!” kuno!
‘Kala ko’y bati na dalawang bansang ito!
Pero do you know why in Cuba I want to go?
Like the Beatles song, Do you want to know sikreto?
SA ESTATWA NI LENNON MAGPAPALITRATO!
Parque JohnLennon in Havana, Cuba
Sa may Parque John Lennon sa Havana ito,
Tatabi lang Ang Poet N’yo sa bronze statue!
Si Fidel Castro pa ang nagpatayo nito!
Sandali, NAGPAUPO yata mas totoo!
It’s true! Eh ‘di naman ako nananabako!
Lumang tsikot at syempre tsibog pa siguro!
O kung may old casino chips pang for sale dito
Dahil ‘yang mga ‘yan nagko-collect din ako!
Dalawang beses nang sa Liverpool nagtungo
At sa John Lennon Airport bumisita ako!
Sa Saitama, Japan din nila Yoko Ono
At sa Lennon Wall sa Prague akin din dinayo!
Why John Lennon? Eh kasi katunog ng name ko!
Excuse me ‘no, kanya-kanyang dahilan tayo!
Meron pa nga akong ilan sa kanyang selyo!
At meron din akong kasama n’ya si Groucho!
The Beatles and their music tagahanga ako!
At ang utak ni Lennon kaiba ang takbo!
Kung ‘di ba naman napagbago n’ya si Castro!
NO Beatles sa Cuba more than fifty years ago!
Ang masakit lang ay nakabili pa ako
Ng mga bulaklakin at printed na polo
Para pag sayaw nang Habanera at Tango!
Ang look ba’y waring sa drug cartel ay miyembro!
Well, kaya dun sa nais magpunta sa Cuba,
‘Wag kayong manggagaling mula Amerika!
If you want to sit with John medyo tiis muna,
Viaje to Havana medyo lang HAHABA NA!
- Latest
- Trending