‘Trending, Tren Din!’
Ang isang punong namumunga taon-taon,
Lumabas at malagas man ang mga dahon,
Mamumulaklak at bunga ‘di maglalaon,
Masisimsim ang bango sa tamang panahon.
Sa wastong pag-alaga may pagkakataon,
At muling biyaya na rin ng Panginoon,
Matamis na inani nang minsang panahon,
Mauulit paglipas ilang mga taon.
Ang Poet N’yo ‘yan ngayon ang nararamdaman
Para sa Eat, Bulaga! na palatuntunan
Sa IKATATLUMPU’T ANIM n’yang kaarawan,
Waring nangyaring muli aming sinimulan.
Tatlo lang kami nun kung ating babalikan,
Nadagdag si YOKABABS at si Chiqui Hollmann,
After 36 years ay narito na naman,
Imbes YOKABABS… YAYADUBS ang gumulantang!
At eto pa ang sa kayo’y kikilabutan —
Si Yokababs ay Richard Reyes ang pangalan,
First and middle name ni Alden inyo bang alam?
RICHARD REYES din! Ngek! Ano ang tawag n’yo d’yan!
Umuulit nga talaga ang kasaysayan,
From Tito, Vic & Joey ay JOWAPAO naman!
From Ritchie and Chiqui ALDUB ngayon labanan,
Mula sa lima hanggang isang Barangayan!
JOWAPAO ay si Jose, Wally at si Paolo,
Para sa akin Kings of the Road itong tatlo!
Queens of the Road din pag Kalyeserye na tayo!
Sila ang CALLE’S ANGELS na ubod nang gulo!
Halakhak at tuwa nabuo’t nakumpleto
Nang budburan ng kilig ng dalawang tao —
Ang ALDUB! Bigla na lamang nangyari ito,
Ngunit pagtagal tila nagiging totoo!
Mga “may pinag-aralan” na ri’y sumingit
At hinahanap pilit ang akit kung bakit,
Tigilan n’yo ‘yan at baka ulo’y sumakit,
Pasalamatan na lang ang HULOG NG LANGIT!
Kami namang nauna ay naririto lang
At umaalalay sa dati at baguhan,
Ito ay pagkakataon na kami naman
Ang aliwin nila’t bigyang kaligayahan!
Nag-uumapaw kami sa galak at tuwa
Sa Kalyeserye na talagang pambihira,
Wari ba s’yang isang himala na bumaba,
Medyo sanay na ngayon matapos mamangha!
At hindi mapigilan ang aming paghanga
Sa mga tauhan dito bago ma’t luma,
Tila ba ‘sang iglap galing nila’y nagtugma!
Parang may mas mataas na namamahala!
Sabihin mang mapalad at nagkataon lang,
Ngunit wari s’yang sunog na ‘di mapigilan!
Pag-iinit nila’y aming pinabayaan,
Sabi ng iba WE LET THEM SHINE ang dahilan!
Sa ibang palabas iba kaugalian,
Mga naunang bida ‘di ubrang sapawan,
Medyo masagwa nga at hindi kami ganyan,
Sa’min ang tigreng magaling pinawawalan!
Wala pa nung cellphone nung kami ay dumating,
Wala pa nung social media at trending-trending,
Pag may nagyabang ngang sila’y mas “trending” sa’min,
Sagot ko lang ay kami man ay parang TREN DIN!
TREN DIN kami sa haba! Kaya ba ‘yan nila?
Di wow kung HALOS APAT NA SILANG DEKADA!
Subalit kung sila ay supot pa kumbaga,
Well, maghanap muna ng kausap na iba!
- Latest
- Trending