‘One Plus One Equals Magellan!’

Nung sa Rolling Stones sa Macau nanood ako

Ay biglang sa sarili ay naitanong ko —

Bakit “Rolling Stones” at ‘di “Rocking Stones” titulo?

Ayuuun… kasi ROCKING STONES sobrang BATONG-BATO!

 

Wowww… ang hebigat na talaga nun pare koooh!

Tulad ng dala ngayon nating Pilipino,

Bago natin tibagin isa-isa ito,

It’s a special day today at magpugay tayo!

 

Almost five hundred years ago na pala ngayon

Nang tayo ay ‘di sinasadyang matagpuan,

‘Di pa nga tayo marunong nung mag-addition

Sapagkat ang One Plus One nun Equals Magellan!

 

In 1521, just like today, March Sixteen,

Na-discover ni Magellan ang bayan natin,

Malamang itawag n’ya kung ngayon dumating —

“The UNITED STATE WITNESS of the Philippines!”

 

O kaya’y, “KURAPUBLIKA NG PILIPINAS!”

Or, “CORRUPUBLIC OF THE PHILIPPINES” sa Ingles!

At malamang sa Silangan hindi na Perlas

At malamang din pag-discover sabay Adios!

 

Ngek!  Ano ba ‘yan tayo ngayon ay ang gulo?!

Mas oks pa yata kung si Magellan nanalo!

At baka pa ang lahat ay medyo mabago,

Spanish Sardines National Fish ng Pilipino!

 

Mestisong Bangus pa talaga dating nito,

Malamang sardinas na rin si Lapu-Lapu!

Hayyy naku mga isyu ngayo’y labu-labo

Tulad na lang sa Pambansang kung ano-ano!

 

Adobo raw ang National Food? Wow, ang labo!

At hindi yata ako d’yan makakatango,

Dapat ‘yung maraming Pinoy ang sumusubo

Kaya ang Pambansang Pagkain ay… NOODLES po!

 

Ano ba ‘yan at may nagsusulong na naman

Ng mga bagong National Symbols ng bayan?

Wow, pwede ba please inyo na itong tantanan

At mga National Artists isama na ‘yan!

 

At National Scam Artists ay mas marami nga raw,

National Problem nga natin sa araw-araw!

Tama na raw ang Tanga raw, este Tamaraw,

Teka, ano ba talaga — ‘yan o Kalabaw?!

 

Ang gulo kasi at hindi mo na malaman,

Dati’y Tinikling ngayo’y Cariñosa naman?!

Pero ang ‘wag na ‘wag ninyong kalilimutan —

Tabla TV at Pusoy — Pambansang Libangan!

 

Maraming bagay pa nais gawing “Pambansa,”

Kung sino-sinong tao pati na nga BAKYA —

National Footwear daw! Ngek! Hindi na nahiya

Sa mga taga-Holland na s’yang nagsimula!

 

National House daw ay Nipa Hut sinusulong,

Subalit Pambansang Bahay naman sa ngayon

Ay TENTS na karamihan pa nga ay donasyon!

At pinalitan na rin pala Barong-barong!

 

Ano na ngayon inyong National Disaster?

At ano na inyong National Bookstore, aber?

At sa tingin n’yo ba may paki tao’t they care

Kung may mga ganyan-ganyan kayong i-declare?

 

Sa usapang seryo, isa-isahin ito —

Eh ‘yung NARRA ba may nakikita pa kayo?

Ginawang mesa na yata lahat, o ano?

Tigas lang yata ng ulo sinisimbulo!

 

Well, sa National Fruit pwede na rin ang Mango

Pero kung tutuusin dapat ay Mabolo

Sapagkat ito lang ang tanging mula rito

Na punong-kahoy ‘yay ayon sa mga libro.

 

Ang napakaganda pa nga sa punong ito,

Kung “katigasan” din lang ang hinahanap n’yo,

Ang pusong kahoy o ang kalooban nito

Ay ang KAMAGONG! Astig din na si El Negro!

 

Mabolo ay “mabulo” o mabalahibo,

‘Yung bang tila mansanas ang dating din nito,

kung kaya nga Velvet Apple sa Ingles ito,

Mahinhin ang pula n’ya, sa kagat malabo.

 

At hindi “not clear” ang ibig sabihin nito,

Malabo ay parang ‘di buo pa masyado,

Pakiramdam lamang ng dila’t bibig ito,

‘Di gaanong basa’t masabaw sa totoo.

 

Mahinay ang pagbigkas ng “malabo” dito

At walang pakupya ang silabo sa dulo,

Sa Pinoy nga sumasapul sila pareho —

MALABO at MALABÔ tayong Pilipino!

 

Hindi buo and not clear ibig sabihin ko

Lalo na nga sa National Symbols na isyu,

At ‘yung sa National Artist sana ay ito —

‘Yung walang eskandalo… walang bahid TALO!

 

At ayon din sa Kasaysayang Pilipino,

Mula kay Lapu-Lapu hanggang Bonifacio

Ma-Kampilan, ma-Kris at ma-Itak nga tayo,

In short, d’yan tayo sanay — tayo ay MA-BOLO!

Show comments