'More Bakit List'
Walang tigil ang tanong ng tao talaga,
Pawis na pawis na o laway na laway na,
Laway ay waring ‘LA - WHY?’ at nagtatanong pa,
At sa Ingles man tunog tanong s’ya — “SA- LAY- BA?”
Kaya kung last week kayo ay medyo bitin pa,
Narito pa ang “Bakit List” na pangalawa,
At sa napapanganga bibig na’y isara,
‘Wag mag-alala’t laway lang puhunan baga.
Bakit “Hi!,” “Hello!,” “Ola!” ang mga pagbati?
Ibibigay ko na ang aking pakiwari,
Dapat kasi pagbati’y matamis palagi
Mataas at masaya’t may kasamang ngiti.
‘Yon bang puro asukal ang iyong tinira,
Masasayang kulay lang iyong makikita,
Maraming lobo ‘yung parang birthday party ba,
Ganyan dapat ang pagbati — Hi! Hello! Ola!
Saan ba nanggaling? Hindi n’yo ba napuna?
“Hello” ay tunog YELO... “Ola” nama’y COLA,
At kapag pinagsama mo na ang dalawa,
Cola na may yelo — aba’t it’s party time na!
At ngayon, ang “Hi” naman ay isang acronym,
Ano ang Hi? H-I... Halo-halo at Ice cream!
Ops, ops, ops, konting lamig at ‘wag marimarim,
Bumabati lang ako aking mga darling.
Ngunit kung susuriing mabuti talaga
Ay subukan n’yong baligtarin ang pagbasa
Ng salitang “halo-halo” at ano na ba?
‘Di ba’t katunog ng dalawang OLA-OLA?
Bakit nga ba ilang salita at pamagat
Baligtarin mo man ay magkakamag-anak?
Tulad ng “ngiti” — ‘yon bang konti lang halakhak,
‘Di ba’t konti’t TINGI pag sinabing baliktad?
At bago n’yo ko bigyan ng konting palakpak,
Baligtarin n’yo muna “palakpak” isulat,
Ngayon inyong basahin at ‘wag magugulat —
KAPKALAP — O hindi ba’t tunog ding “clap, clap, clap”?
At habang kayo ay nagpapalakpakan na,
May naghahamon — ang DOG daw at GOD pa’no na?
Bakit ‘di n’yo Tagalugin at nang makita —
ASO ay OSA... O hindi ba’t may DIYOSA?
Ngiti – Tingi... Palakpak – Kapkalap – Clap, clap, clap,
Oo na nga at matyaga akong maghanap,
Pero alam n’yo ba kung minsan mas masarap
Itong ginagawa kaysa makipag-usap.
Smile na at susunod kong “bakit” ay narito —
Bakit nga ba “Say cheese” ang say sa potograpo?
Ang dami namang bagay pero bakit keso?
Pwede namang butter o matamis na bao.
Well, kesyo keso daw dahil sa Ingles nito
Mapipilitan kang ilabas ang ngipin mo,
Pero para pa ring nananakot tingin ko
Pag ‘di mo nilamanan ng pag-ngiti ito.
Kahit anong sabihin kung wala ring ngiti,
Para pa ring binotox mukha mo palagi,
Si Mona Lisa nga tikom lang mga labi,
Walang mozzarella... simple lang paglalandi.
Ang ngiti ng La Gioconda ay tingi lamang,
Anak ng puting keso’y hindi kailangan!
Basta’t pag-upo mo pag-pose ay palamanan
Ng pag-asa na sana’y maganda larawan.
At kung ‘di ka maganda sa iyong paningin,
Ito ay kahit ano pa ang iyong gawin,
Sa susunod na lang at sa lahat ng pag-posing,
Iwa-wacky mo na lang nang hindi mapansin.
- Latest
- Trending