Pinagtagpong muli
Dear Dr. Love,
Twenty five years ago, noong high school pa lang ako ay nagkaroon ako ng kasintahan. Kaklase ko siya nung first year high school lang ako. Siya ang first love ko at gayundin ako sa kanya. Inakala kong ito ay isa lamang puppy love na lilipas din sa pagdaraan ng mga panahon.
Lumipat siya ng paaralan nang sumunod na taon at mula noon ay hindi na kami nagkita. Nakapagtapos ako ng college at nag-asawa. Nakalimutan ko na rin siya. Ngayon ay masuwerte ako dahil uliran ang misis ko at ang dalawa naming anak ay masunurin sa amin.
Ilang beses kaming nagkaroon ng class reunion pero hindi siya dumadalo. Nang magkaroon kami muli ng reunion bago unang sumulpot ang pan-demya noong nakalipas na taon, nasurpresa ako dahil naroroon siya. Pareho kaming thirty years old na pero siya ay dalaga pa rin at ubod ng ganda sa kabila ng kanyang edad.
Nag-usap kami at ang sabi niya, ako daw ang una at huli niyang naging kasintahan. Hindi niya maipaliwanag maigi kung bakit hindi na siya nakipagrelasyong muli. Siguro raw ay dahil naging abala siya sa propesyon niya bilang doktora. Isa siyang obstetrician.
Mula noon ay lagi kaming nag-uusap sa pamamagitan ng text message. Dr. Love, nahiwatigan ko na mahal pa rin niya ako at parang may kumikiliti sa loob ng dibdib ko. Nangangamba akong baka manariwa muli ang aming pag-iibigan.Tulungan mo po ako.
Morris
Dear Morris,
Nakabuo ka na ng maayos na pamilya, kaya huwag mo nang sirain ito. Ituring mo na lang na isang tiklop na kabanata ng iyong buhay ang nakaraan mo. Kung kayo ay para sa isa’t isa, walang makahahadlang at magkakatuluyan kayo.
Pero higit na marunong ang Diyos sa pagbibigay sa iyo ng ibang babae na iyong pinakasalan. Ang kalooban ng Diyos ay huwag mong sasalungatin.
Itigil mo na ang pakikipag-usap sa kanya kahit sa text. Kapag nagpatuloy iyan ay talagang mabubulid kayo kapwa sa tukso at baka maging taksil ka sa iyong kabiyak.
Dr. Love
- Latest