Apektado ng nag-viral na video
Dear Dr. Love,
Tawagin ninyo na lang akong Ruth. Alam po ninyo, naawa po ako sa mga batang nadamay dun sa nag-viral na video sa fb nang barilin ng pulis ang mag-ina. Naawa po ako sa mga batang nakakita sa pangyaya-ring iyon.
Nakakalungkot lang po kasi, bakit kaya may mga magulang na nagi-ging pabaya sa kanilang mga anak. Kapiling nga nila sila, pero mali naman ang itinuturo.
Pasyensiya na po kasi talagang apektado ako. Iniisip ko ang future ng aking anak. Sana lahat ng pangarap ko sa kanya ay matupad. Nag-iisa lang siya at iniwan ko siya sa kanyang lola.
Kaya nung nakita ko na yakap ng nanay ‘yung binatang lalaki, parang nakita ko ang aking anak. Ganun na rin halos ang edad niya. At parang ang lola niya ‘yung nakayakap. Iniisip ko tuloy ang kalagayan nila.
Nagsisikap ako rito sa Manila para may maipadala ako sa kanila sa Masbate. Marami pa namang mababait na tao dun. Online lang ang communication na-ming, minsan wala pang signal.
Sana po mawala ang pag-aalala ko sa kanila. May mga kamag-anak din naman ako dun.
Pero ang inaalala ko ay ang ama ng aking anak. Gusto niyang kunin ang aking anak sa kanyang lola. Kaya labis po talaga akong nag-aalala para sa kanila.
Sana ay huwag idulot ng Diyos na mapahamak sila. Maraming salamat po, talagang nakakatakot na ang ating panahon. Pero kahit po ganun ay patuloy pa rin akong nananalig na hindi sila pababayaan ng Maykapal.Hopefully makauwi ako sa sa abente sais pagkatapos na ng Pasko dahil kahit Pasko may pasok kami.
Ruth
Dear Ms. Ruth,
Huwag kang masyadong mag-alala sa iyong anak. Basta tuloy mo lang ang communication mo sa kanila. Lagi mo silang kukumustahin at bilinan mo ang mga pwede mong mabilinan para higit na bigyan nila ng atensiyon ang iyong anak, pati na rin ang iyong nanay.
May awa ang Diyos lalo na sa mga patuloy na nanalig sa kanya. Medyo nakakaalarma ang mga ganyang situwasyon, kaya mas kailangan natin ang gabay at tamang patnubay sa ating mga anak. Mabuti at ang lola niya ang nag-aalaga sa iyong anak.
Totoong kaawa-awa ang mga batang lumaki ng hindi natuturuan ng tama. Let’s all pray na hindi na madagdagan pa ang mga ganung situwasyon. At mapanatili lalo na ng mga magulang ang pagtuturo ng tamang asal.
DR. LOVE
- Latest