Patawarin mo na
Dear Dr. Love,
Bumabati ako sa inyo ng isang mabiyayang araw at sana’y datnan kayo ng sulat ko na nasa mabuting kalagayan.
Myrah na lang ang itawag ninyo sa akin, 41-anyos. Nakipaghiwalay ako sa aking mister nang siya’y sumakabilang-bahay. Mas mabuti nga kung siya’y namatay kaysa alam kong nilisan ako para sa ibang babae. Masama ang loob ko.
Ten years akong nagsakripisyo sa kanya. Minahal ko siya at pinaglingkuran at matapos ang lahat ay ipinagpalit niya ako.
Ten years na rin ang lumipas nang maghiwalay kami. Pero minsan ay pinuntahan ako ng kanyang ka-live-in. Sabi niya, paralitiko na ang asawa ko dahil sa stroke at hindi na makaalis sa silyang may gulong.
Siguro, ‘yung katiting ko pang pagtingin sa kanya ay kumurot sa aking puso. Sabi ng babae niya, gusto raw akong makita. Ngunit nangibabaw ang aking pride. Sabi ko sa babae, hindi bale na. Umalis ka na.
Tama ba ang ginawa ko? Dapat pa ba akong makipagkita sa kanya?
Myrah
Dear Myrah,
Ang itinuturo sa atin ng Panginoong Diyos ay mahalin ang lahat pati ‘yung mga itinuturing nating kaaway. Baldado na ang asawa mo at ibig kang makita. Ibig sabihin, nagsisisi na siya sa mga kasalanan niya sa iyo.
Puntahan mo siya at tanggapin ang paghingi ng tawad at patawarin mo siya. Mahirap ang nagpapanatili ng galit sa puso. Sabi nga, paano ka mapapatawad ng Dios kung hindi ka marunong magpatawad sa mga nagkakasala sa iyo.
Ikaw na rin ang nagsabi na may katiting pang pagtingin sa iyong puso para sa kanya. Puwes, pairalin mo ang katiting na ‘yon.
Dr. Love
- Latest