Second hand engagement ring
Dear Dr. Love,
Hindi ko po alam kung masyado lamang akong mapamahiin o kaya ay mareklamo sa buhay kung kaya’t pati engagement ring na bigay ng boyfriend ko ay pinoproblema ko.
Maganda po sana ang style at talagang mamahalin dahil half carat diamond. Pero ang hindi ko po ma-take, Dr. Love ay una nang ibinigay ni Tony ‘yun sa dati niyang girlfriend, binawi niya nang hindi natuloy ang kanilang pagpapakasal at siyang ibinigay niya sa akin.
Nag-propose si Tony sa akin dalawang buwan na ang nakalilipas para kami ay magpakasal na. Nasabi ko na rin sa kanya ang problema ko sa singsing.
Isang kapatid niya ang nagparunggit sa akin na maarte raw ako. Nasaktan po ako rito. Dahil hindi ko naman po kailangan ng mamahaling singsing, huwag lang ‘yung second hand, na galing pa sa naunsiyaming pagmamahalan.
Natawa lang si Tony nang sabihin ko sa kanya ang tungkol dun. Huwag ko na lang daw intindihin ang ate niya dahil praktikal lang daw ‘yun. Pagpayuhan po ninyo ako Dr. Love kung makatwiran po ba o hindi ang hiling ko sa aking boyfriend.
Dapat ko bang isauli ang singsing kapag isinuot na ni Tony ang sinabi niyang ipapalit niya dito?
Gumagalang,
Minda
Dear Minda,
Naniniwala ako na hindi lahat ng pamahiin ay illogical. Palagay ko nasa edad ka na para matukoy kung ano ang makakabuti o makaksama sa iyo. Kung ang pagpapalit ng singsing ang makapagbibigay ng kapanatagan sa iyo, go ahead. Wala akong nakikitang masama dun.
Isa pa, panghabang-buhay na simbolo ng pagsasama ninyo ng soon to be husband mo ang singsing. Hindi naman kalabisan na piliin mo ‘yung hindi secondhand.
Tungkol naman sa naririnig mo, dedma ka na lang dun. Dahil ang mahalaga naman ay ang pagitan ninyo ng magiging asawa mo. Nagkakaintindihan kayo at nagmamahalan. Best wishes in advance!
DR. LOVE
- Latest