Lasenggo ang boyfriend
Dear Dr. Love,
Kami ng aking nobyo ay may dalawang taon nang nagsasama sa iisang bubong sa ilalim ng tinatawag naming trial marriage o live in partnership.
Pumayag ako sa ganitong arrangement para masiguro kong si Denver na nga ang lalaking para sa akin, na magiging ama ng aking mga anak.
Ang dahilan po Dr. Love, gusto kong masiguro na bago kami ikasal ay malaya na siya sa kanyang bisyong pag-inom at hindi ito magiging daan sa lagi naming pag-aaway na hindi maganda para sa isang pamilya.
Mahal ko po si Denver kaya nais ko siyang matulungang makakawala sa kanyang bisyo sa boluntaryong pamamaraan. Pero kapag pinapaalalahanan ko siya, nagagalit siya at nag-iinit kaagad ang kanyang ulo. Tapos later on, magso-sorry siya at nangangakong susundin ang payo ko.
Umuusad po ang panahon at gayundin ang edad ko na ngayon ay malapit nang mag-35 anyos. Gusto ko nang magkapamilya pero wala pa rin akong nakikitang pagbabago kay Denver. Sa palagay po kaya ninyo, Dr. Love may pag-asa pang magbago ang boyfriend ko?
Payuhan mo po ako, ano po ba ang dapat kong gawin para magbago siya? Dapat ko na ba siyang hiwalayan at humanap na ng iba na higit kong maipagmamalaki bilang asawa at ama ng aking magiging anak?
Gumagalang,
Sophia
Dear Sophia,
Sapalagay ko ay mahabang panahon na ang dalawang taon para sa pagkakataong magbago. Kung wala pa ring nangyayari, aba ay mag-isip, isip ka na. Isa pa, walang ibang lugi sa live-in kundi ang mga babae. Pero ikaw lang ang makakapagsabi kung makakatiis ka pa.
Tama ang sinabi mo, lumilipas ang panahon at sa totoo lang hindi na ito maibabalik pa. Ilang taon na lang baka mahirapan ka nang magkaanak. Kaya sana makapag-decide ka na.
DR. LOVE
- Latest