Ka-chat
Dear Dr. Love,
Hi and a pleasant day, Dr. Love. Sana’y nasa maigi kang kalagayan sa pagtanggap mo ng liham ko. Tawagin mo na lang akong Lorie, 19-anyos at isang college student.
Kakaiba ang karanasan ko. Mayroon akong ka-facebook na dahil napaka-guwapo sa picture ay nagka-crush ako. Tawagin mo na lang siyang Aaron.
Matagal kaming magka-chat at enjoy ako dahil exciting siyang kausap. Finally ay niyaya ko siyang mag-eye ball kami sa isang fast food sa Mall of Asia. Mayroon na kaming mutual understanding bago kami magkita.
Bago kami magkita ay madalas niya akong tanungin kung hindi kaya ako magbabago kapag nakita ko siya nang personal.
Sabi ko bakit naman? Nang magkita kami ay doon ko nalaman kung bakit sinabi niya ‘yun. Polio victim siya at maigsi ang isang paa kaya gumagamit ng saklay. Sa nakita ko ay nagbago ang pagtingin ko sa kanya. Kasi, kung magbo-boyfriend ako, gusto ko sa isang normal at walang kapansanan.
Ayaw kong magpahalata pero maski paano, nahiwatigan niyang disappointed ako sa nakita kong kalagayan niya.
Nagi-guilty tuloy ako. Binlock na niya ako bilang FB friend at alam ko na ang dahilan ay nahalata niyang nanlamig ako.
Ano ang gagawin ko para mawala ang pagkabagabag ng aking konsensya?
Gumagalang,
Lorie
Dear Lorie,
Sasabihin siguro ng iba na diskriminasyon ang ginawa mo pero damdamin mo iyan kaya walang rason para mabagabag ang konsensya mo.
Siguro nga’y nakasugat ka ng damdamin pero wala ka pa namang commitment kaya ‘di ka dapat maligalig. Kaya aral sa iyo iyan.
Huwag karakarakang iibig sa taong sa litrato mo pa lang nakikita. Mas mahalaga na kilalanin mo ang isang tao hindi sa panlabas na anyo kundi sa panloob.
Dr. Love
- Latest