Naglayas ang ina
Dear Dr. Love,
Isang single mom ang nanay ko na mag-isang nagtaguyod sa akin. Isa akong bunga ng kapusukan niya at nang kanyang boyfriend noong araw.
Nag-asawa ng iba ang ama ko at iniwanan na lang ang aking ina nang magdalantao. Kaya gayun na lamang ang sobra niyang pagmamahal sa akin. Mula sa pagkabata ay nangako akong hindi ko siya iiwanan at hindi ako mag-aasawa.
Tinuruan niya akong masuklam sa mga lalaki. Pero na-in love ako sa boyfriend ko at nang malaman niya ay sobra siyang nalungkot hanggang sa naglayas.
Nang mahanap ko siya, nangako ako na lalayuan ko na ang boyfriend ko at kaming mag-ina ay nagkasamang muli.Pero lihim pa rin kaming nagtatagpo ng boyfriend ko.
Ano ang gagawin ko para magbago ang isip ng nanay ko?
Leleng
Dear Leleng,
Unti-unti lang ang pagkumbinsing gawin mo sa kanya. Nakatanim pa rin sa puso niya ang matinding galit sa kataksilan ng iyong ama.
Himukin mo ang boyfriend mo na siya ang manuyo sa nanay mo. Magpakita siya ng kabaitan. Bigyan siya ng mga simpleng regalo paminsan-minsan para mahulog ang loob nito sa kanya.
Mare-realize ng nanay mo na hindi lahat ng lalaki ay kagaya ng iyong ama na taksil. At sakaling pumayag siyang magpakasal kayo ng iyong boyfriend, huwag ninyo siyang iiwanan kundi kupkupin n’yo siya sa inyong magiging tahanan.
Dr. Love
- Latest