Pangamba ni Shasha
Dear Dr. Love,
Harinawang datnan kayo ng aking sulat na maligaya at walang problema. Maligalig ang buhay ko, Dr. Love. Tawagin mo na lang akong Shasha, may asawa at apat na anak.
Financially, wala kaming problemang mag-asawa. Parehong malaki ang kinikita namin. Bilang nasa real estate business, malaki lagi ang komisyon ko at nakapagpatayo na kami ng sariling bahay. May kotse kami at napag-aaral ng maayos ang aming mga anak.
Sa kabila nito, hindi ko maunawaan kung bakit mag-a-abroad pa sa US ang asawa ko para dun magtrabaho. Malaki ang kita niya bilang sales manager ng isang kompanya.
Napag-isip-isip ko na naroroon nga pala sa US ang kanyang ex-girlfriend. Ang duda ko ay may lihim silang usapan ng aking asawa. Natatakot ako dahil hindi ko kayang mawala sa buhay ko ang aking asawa.
Hindi ba may basehan ang aking pangamba, Dr. Love?
Tulungan mo nga ako sa aking mabigat na problema please.
Shasha
Dear Shasha,
Oo, may basehan ang takot mo. Puwede rin namang nababagot lang ang asawa mo sa trabaho niya rito kaya ibig mangibang-bansa.
Alamin mong mabuti ang dahilan niya at ibig niyang mag-abroad.
Pero mag-usap kayo ng puso sa puso. Ipagtapat mo ang nadarama mong pangamba at himukin mo siyang huwag nang umalis kung dito sa Pilipinas ay establisado na kayo financially.
Dr. Love
- Latest