Dear Dr. Love,
Greetings po sa paborito kong tagapayo.
Ang problema ko po ay tungkol sa tita ko na siyang sumagot sa matrikula at book expenses ko noong nasa kolehiyo pa lang ako at kumukuha ng nursing.
Sa laki ng pagmamalasakit sa akin ni tita, naglista po ako ng mga ginastos niya sa akin sa hangarin na balang araw ay maibabalik ko sa kanya ang lahat. At ganun nga po ang nangyari nang makatapos ako at makapagtrabaho sa abroad.
Ang problema, Dr. Love kahit ngayon na may sarili na akong pamilya ay pana’y pa rin ang lapit ni tita. Hindi lang para sa kanyang pangangailangan kundi maging sa kanyang mga anak na pawang hindi nakatapos at may pamilya na rin pero nananatiling umaasa sa kanya.
Minsang hindi ko po siya napagbigyan ay ipinagkalat na niya sa lahat ng mga kamag-anak na ako raw ay walang utang na loob. Dr. Love, kung susumahin po lahat ng mga naibigay ko ay mahigit doble na para sa utang na loob ko sa aking tiyahin.
Hindi po nagugustuhan ng asawa ko ang tratong ito ng aking tita at ayaw ko po na dumating sa punto na pag-awayan namin ito o kaya’y magtanim siya ng galit sa aking kamag-anak. Paano ko po ba mababago ang pananaw ng aking tita? Pagpayuhan po ninyo ako.
Maraming salamat po at may the good Lord guide you always.
Gumagalang,
Cynthia
Dear Cynthia,
Maganda ang pagtanaw ng utang na loob sa mga taong naging daan para matupad natin ang dati’y pinapangarap lamang. Pero hindi naman ito nangangahulugan na maging life time pensioner ka ng taong tumulong sa iyo.
Makakatulong para sa inyong pagkakaunawaan na mag-tita, ang makapag-usap ng sarilihan. Kung sa kabila ng lahat ay ‘wa epek pa rin, wala na tayong magagawa dun. Ang mahalaga naman ay malinis ang iyong konsensiya at maayos ang inyong pagsasama na mag-asawa. Hayaan mo na lang ang tita mo, magsasawa rin ‘yan.
DR. LOVE