Dahil sa tato
Dear Dr. Love,
Noong magpalagay ng butas sa tainga ang boyfriend ko at maglagay ng maliit na hikaw na diyamante, hindi ko siya sinita. Bagay kako pero huwag na niyang daragdagan pa tulad ng ibang nakikita ko na mayroon pang tatlong hikaw sa tabi ng tainga.
Uso raw at hindi naman nabawasan ang kanyang pagka-macho. Hindi na ako nag-ingay pa dahil puwede namang masarado uli ang butas kung ihihinto na ang pagsusuot ng hikaw sakali’t manawa na at mawala sa uso.
Sumunod, nagpalagay ng tato sa bisig si Don. Isang rosas at sa tabi nito ay ang aking pangalan. Hindi ko na ‘yun napalampas, Dr. Love. Pero ikinatuwiran niyang hindi naman bulgar dahil natatakpan naman ng sleeves ng polo.
Akala ko, mahihinto na siya sa kahibangan niya sa pagsunod sa uso dahil sa pag-alma ko. Pero nagkamali ako dahil isang malaking demonyong nakaluhod ang sunod niyang ipinatato sa likod niya.
Natatakot na po ako kay Don dahil karaÂniwan sa nagpapalagay nun ay durugista. Hindi ko po talaga gusto ang lalaking may hikaw at ngaÂyon ay may napakalaking tato pa. Nakipag-break po ako sa boyfriend ko. Nagbago na po siya mula nang mabarkada sa iba.
Galit na galit si Don. Masyado raw akong domineering. Tama nga raw pala ang pagkakakilala sa akin ng kanyang barkada. Isa akong sinauna.
Sa ngayon, nakalipat na ako ng tirahan sa payo ng aking dormmates. Baka raw ako gantihan ni Don. Tama nga lang ba ang ginawa ko?
Gumagalang,
Zenaida
Dear Zenaida,
Sa palagay ko, pinakamabuti na lumayo ka sa ngayo’y ex boyfriend mo na. Una, para maka-move on ka agad at pangalawa, para sa iyong seguridad sakaling totoo ang paniniwala mo na posibleng gumagamit na siya ng bawal na gamot.
Ang pakikipagrelasyon ay pagpapahalaga sa damdamin ng bawat isa. Mahalagang bahagi ito para mapanatili ang kapanatagan. Kung wala na ito sa iyo, hindi na magiging maganda ang samahan ninyo.
Malinaw naman na wala na sa iyo ang konÂsideÂrasyon ng iyong ex dahil tuluyan na siyang inilayo ng pakikiuso niya.
Dr. Love
- Latest