Batang girlfriend

Dear Dr. Love,

Isang pagbati ng kapayapaan sa iyo at sa mga masugid mong mambabasa. Tawagin mo na lang akong Andrew, 40 years old. Dalawang taon na ang nakakalipas nang iwanan ako ng aking asawa at sumama sa ibang lalaki.

Mayroon kaming 18 anyos na anak na babae, na nasa aking poder. Galit siya sa ginawa ng kanyang ina. Ngayo’y umuusad ang aming annulment at mayroon na rin akong bagong girlfriend.

Kaso. Selosa siya. Pati anak ko ay pinagseselosan niya. Naiisip ko na kung magkakatuluyan kami ay baka madamay sa problema ang aking anak. Mahal na mahal ko pa naman siya at pinag-aaral ko pa. Palibhasa ay hindi sila nagkakalayo ng edad. Twenty years old na ang girlfriend ko.

Dapat ko bang tapusin na ang relasyon namin ng aking girlfriend?

Andrew

 

Dear Andrew,

Kung hindi magbabago ang pagtingin niya sa sarili mong anak, palagay ko nga’y dapat kang humanap ng iba.

Puwedeng sabihing bata pa siya kaya ganyan ang kanyang attitude at baka magbago kapag nag-mature na. Pero sugal iyan. Papaano kung hindi siya magbago?

Ikaw naman kasi. Nagbabalak kang mag-asawa muli ay pumili ka pa ng parang anak mo na.

Dr. Love

Show comments