Umasang type siya
Dear Dr. Love,
Totoo po palang mahirap umasa sa isang bagay na inaakala lamang pala. Nakakawala po ng sigla. Inakala ko po na type ako ng kabarkada ng kuya ko, si Danny na nakatatandang kapatid ng kaibigan kong si Mona. Madalas siyang nasa bahay namin, lalo na kapag may lakad sila o magbabasketball ng kuya ko.
Minsang nakausap ko po si Mona, sinabi niyang nag-aaral na maging mahusay na basketball player ang kanyang kuya para magpa-impress sa aking kapatid at sa akin.
Sinabi rin niya na gusto ako ng kuya niya at nahihiya lang itong magtapat. Naniwala po ako dito, kaya ang mga ibinibigay na pasalubong sa akin ni Danny sa tuwing darating siya sa bahay ay inisip ko na kumpirmasyon sa mga sinabi ni Mona.
Pero nitong huli, na-realize ko na napagkamalan lang pala ako ni Mona, na ang Lynda na gustong maging girlfriend ng kanyang kuya. Dahil nagkwento ang aking kuya na kaklase niya ‘yung Lynda at gustong magpatulong sa kanya ni Danny para ligawan ito.
Nanlambot na po ako dito. Pero mas matindi pa pala ang mararamdaman ko nang marinig kay Danny na isang nakababatang kapatid lang ang turin niya sa akin, gaya ni Mona dahil magkaugaling-magkaugali raw kami.
Ang sakit po, Dr. Love pero sinikap ko na huwag magpahalata. Iniyakan ko ang kabiguang ‘yun dahil hindi ko na masasabi kay Danny na mahal ko siya. Magkasintahan na sila ng katukayo kong Lynda at ako, hindi muna magkakagusto kanino man. Ibubuhos ko ang panahon sa aking pag-aaral.
Maraming salamat po at God bless you.
Lynda
Dear Lynda,
Tama ang naging pasya mo. Masyado pang maaga para maugnay ang mura mo pang isip sa pakikipagrelasyon. Dahil may takdang panahon para sa love-life. Sa ngayon, panahon ng iyong pag-aaral kaya dito mo ituon ang atensiyon mo.
DR. LOVE
- Latest
- Trending