Kailan babalik ang tiwala?
Dear Dr. Love,
Dati isa akong alibughang asawa. Natutong magkerida at iniwanan ang pamilya para mapagbigyan ang kahilingan ng kinalokohang babae. Pero, huli na po nang matuklasan kong nilanse lang ako ni Donna at ang talagang nais lang niya ay isang sugar daddy na tutustos sa kanyang luho.
Saka ko naisip na balikan at humingi ng tawad sa aking nagmartir na asawa. Alam kong mahirap na mabalik uli ang dating init ng pagmamahal ng aking misis. Pero alang-alang sa aming dalawang anak na kapwa teenager na, napilitan siyang pumayag na makauwi akong muli sa aming tahanan. Tuwang-tuwa ang dalawang bata nang sa harap nila ay humingi ako ng tawad, nangakong hindi na padadala sa tukso at magbabago na para mabuong muli ang aming pamilya.
Pumayag ang aking asawa na patawarin na ako. Pero sa kondisyong hindi na kami matutulog sa isang silid. Hindi na ako makaalma pa. Kailangan kong ganap na makumbinsi siyang nagsisisi na ako. Kailangan ko kakong ligawang muli si misis para katuking muli ang kanyang puso at buhayin ang dati niyang pagmamahal.
Pero mahirap pala Dr. Love. Sa harap ng aking mga anak, hindi ipinahahalata ng aking asawa na masama pa ang loob niya sa akin. Sa ngayon, patuloy ko pang sinusuyo si misis pero parang hindi epektibo. Ayaw pa rin niyang magpasiping. Kung minsan, gusto ko nang magwala uli lalo na’t nakikita kong ang aking asawa ay hindi pa kumukupas ang ganda.
Ano po kayang mabuting paraan para mapasagot ko uli ang aking asawa at maibalik ang tiwala niya sa akin? Maraming salamat at hangad ko ang patuloy na tagumpay ng pitak ninyo sa marami pang taon.
Gumagalang,
Erik Gonzalvo
Dear Erik,
Matagal maghilom ang damdaming labis na nagtiwala pero may nakasingit pa ring iba. Magtiyaga ka sa panliligaw, dahil unti-unting babalik ang pagtingin ng iyong misis sa iyo kung ang mga minahal niya sa iyo ay ibabalik mo.
Yayain mong mag-family counseling ang misis mo kasama na ang inyong mga anak. Kailangan din na palakasin at patatagin ang pundasyon ng inyong pamilya sa pamamagitan ng ispiritwal na pamamaraan.
Ipakita mo na kaya mong hintayin na magbalik ang pagmamahal niya sa iyo. Huwag mo siyang apurahin. Kapag nakita niyang nagbalik na ang dating ikaw na minahal niya noon, kusa ka na niyang iimbitahan sa isang silid-tulugan.
Hangad ng pitak na ito ang makatotohanang pagkabuong muli ng iyong pamilya.
Dr. Love
- Latest
- Trending