Minahal kahit may nakalipas

Dear Dr. Love,

Ako po ay 26-anyos na tubong Ozamis City pero lumaki sa Bohol. Lumiham po ako para ibahagi ang sinapit sa buhay, ang aking  pagkabilanggo.

Dalawampu’t isang taon pa lang ako nang magkanobya,  si Genelyn. Tutol sa kanya ang mga magulang ko dahil may dalawang anak na siya, pero pinaglaban ko pa rin siya at nag-live-in kami.

Minsan siyang umuwi ng alanganing oras na pinuna ko. Ikinagalit niya ito. Nang mga sumunod na araw, marami akong naririnig tungkol sa lala­king katagpuan umano ni Genelyn. Hanggang isang araw, ako pa mismo ang nakakita sa kanila na nag-uusap sa tabi ng kalsada. At nang lumapit ako, ipinakilala akong kapatid ni Genelyn sa lalaki. Nag­ngingitngit ang kalooban ko habang kami ay pauwi. Dito sinabi ni Genelyn na ex-boyfriend niya ang lalaki. Kaya pinagbwalan ko siyang makipagkita sa lalaki, pero hinamon niya ako ng hiwalay. Hindi ako pumayag dahil napamahal na sa akin ang mga bata.

Makalipas ang ilang araw, nadatnan ko na sa aming bahay ang lalaki. Sa galit, hiniram ko ang baril ng kapitbahay at iniumang sa lalaki pero inawat ako ni Genelyn at sa hindi inaasahan pumutok ito at tumama sa kanya. Itinakbo ko siya sa ospital pero binawian na siya ng buhay. Natalo ako sa kaso kaya nasa pambansang piitan ngayon.

Dr. Love, tulungan po ninyo akong magkaroon ng kasulatan para magkaroon ako ng inspirasyon sa buhay.

Maraming salamat at hangad ko ang patuloy pang pagtatagumpay ng inyong column.

Gumagalang,

Elvin Lomongo

4-B Student Dorm

Bldg. 4 YRC MSC

Camp Sampaguita

Muntinlupa City 1776

Dear Elvin,

Nakakalungkot nga na hindi pinahalagahan ng kapareha mo ang matapat mong pagmamahal sa kanya. Marahil, tama nga ang pag-ayaw ng iyong mga magulang sa kanya dahil nakikita nila na hindi siya magtatagal ng pakikisama sa iyo.

Gayun pa man, nangyari na ang nangyari. At kailangan mong panagutan sa batas ang sinapit ni Genelyn. Pagbutihin mo ang rehabilitasyon at nawa’y makabilang ka sa mga mabibigyan ng pagpapababa ng sentensiya. Ipagpatuloy mo ang pag-aaral dyan para mapaghandaan ang iyong kinabukasan.

DR. LOVE

Show comments