Boda de oro
Dear Dr. Love,
Magandang araw muli sa inyo. Kalakip ng sulat na ito ang unang sulat ko na nalathala noong Hunyo 21, 2010.
Baka kasi sa dami nang sumusulat sa inyo, hindi na ninyo maalala agad. Itinago ko po kasi ang diyaryo.
Walang pagsidlan sa tuwa ang puso namin ng kabiyak ng aking puso, si Rod dahil nakamit na namin ang pinakamimithing pagsapit ng aming ika-50 taong anibersaryo ng kasal o golden wedding anniversary noong Abril 12, 2011. Nakakatuwa na ang lahat kong mga anak ay dumating at ang aming mga kaibigan at kamag-anak ay nakiisa sa aming kaligayahan ni Rod.
Para sa amin ni Rod, ang pagsapit ng aming ika-50 taong anibersaryo ng kasal ay nagpapatunay lamang na kapag inibig mo ang ating Panginoon, mananatiling malakas at matatag ang aming pagsasama dahil Siya ang aming gabay sa pagtahak namin sa landas ng buhay.
Ang aming mga anak ay nagbigay ng pasasalamat sa ginanap na okasyon dahil sa pagpapalaki namin sa kanila at kahit mahirap ang buhay, naitaguyod namin sila sa pag-aaral at naihanda ang kanilang pagtahak patungo sa magandang bukas.
Nairaos naming mapayapa ang pinakahihintay naming Boda de Oro kahit magastos. Masaya kaming lahat at mayroong mga hindi napigil ang pagluha sa tuwa at sa narinig nilang mga pinagdaanan namin sa buhay .Pero dahil ang Panginoon ang siya naming gabay ni Rod, maluwag naming nalampasan ang anumang mumunting pagsubok sa buhay.
Sana po, ang iba pang mag-asawa ay maluwalhati ring makasapit sa kanilang golden wedding anniversary na malakas pa at walang problema sa kalusugan.
Maraming salamat po at nawa’y lumawig pa ang pitak ninyong ito.
Gumagalang,
Mrs. Natividad B. Loresco
9 Apo Street,Marikina Village
Nangka,Marikina City
Dear Aling Naty,
Nakikiisa po ang pitak na ito sa kagalakan ninyo at ng inyong pamilya dahil sa nakaabot kayo ng ika-50 anibersaryo ng kasal na kung tawagin natin ay Boda de Oro.
Alam ko po ang feeling ninyong magkabiyak dahil tulad ng inyong mga anak, nasaksihan din naming magkakapatid ang 50th wedding anniversary ng aming mga magulang. Nakakalugod nga na sa panahong ito na bihira na ang nakapagdiriwang ng boda de oro dahil sa iba’t ibang sagabal tulad ng karamdaman kundi man nagkakahiwalay ang mag-asawa, natupad ninyo ang inyong pinapangarap.
Pinagpapala po kayo dahil hindi kayo nakakalimot sa Kanya kahit pa matagumpay na ninyong nalampasan ang lahat na sigwa.
Belated greetings po at congratulations.
DR. LOVE
- Latest
- Trending