Kasal muna bago honeymoon
Dalawa na po ang naging boyfriend ko sa edad na 20. Ang nakakalungkot lang, ako ang kinakalasan ng mga naging ka-relasyon ko. Hindi ko maintindihan kung bakit.
May hitsura naman ako, matalino at smart.
Ang una kong boyfriend sa edad na 18, ang inayawan sa akin, masyado raw akong pakipot.Nakatagpo na raw siya ng iba na higit na nakakaunawa sa kanyang “passion.”
Ang ikalawa, isang taon pagkaraan ng unang boyfriend, wala raw akong tiwala sa kanya. Isa raw akong “frigid” at hindi ko matugunan ang init ng kanyang pagmamahal.
Hindi ako “frigid” Dr. Love. Ang alam ko lang, matiim ang aking pananalig sa sariling panuntunan na habang hindi pa kami handang magpakasal, hindi kami dapat padala sa kapusukan.
Para sa akin, kasal muna bago honeymoon para makaiwas sa masalimuot na problema.
Ang kustombreng Pinoy, wala munang premarital sex kung walang basbas ang pagsasama ng pari man o ibang awtorisadong magkasal. Ito ang pangaral sa akin ng aking mga magulang lalo na ng aking lola noong siya ay nabubuhay pa.
Masama ba ito? Payuhan mo po ako.
Yours sincerely,
Erlinda
Dear Erlinda,
Hinahangaan ka ng pitak na ito sa matibay mong paniniwala sa iyong prinsipyo at pagrespeto sa sarili. Bagaman moderno na ang kaisipan ngayon ng mga kabataan, ang paniniwala mong ito ay hindi maituturing na passe o sinauna dahil iniingatan mo ang puri na siyang nais mong ihandog sa iyong mapapangasawa.
Mapalad ang binatang iibigin mo at makakatupad sa iyong sinusunod na prinsipyo.
Keep it up at hindi ka malilihis sa landas na tinatahak sa buhay.
Dr. Love
- Latest
- Trending