Self pity

Dr. Love

Masugid n’yo po akong tagasubaybay.

Tawagin mo na lang ako sa pangalan na Hesus, 32 years old.  Nagkaroon po ako ng asawa at anak nung 20 years old ako dala ng kapusukan ko nung kabataan ko, kasal din po kami. Nagsama po kami ng 1 taon at 6 na buwan at naghiwalay din dahil sa madalas na­ming pag-aaway.

Ginagawa ko naman ang obligasyon ko sa anak ko kahit hiwalay na kami. Nagdesisyon na rin po ako na ipa-annul ang aming kasal at sa awa naman po ng Diyos na grant naman ang annulment ko.  Ngayon po may pamilya na ang ex-wife ko. Ang akala ko matatapos na ang problema ko pagna-annul na ang kasal namin kasi po sa tuwing nalalaman ng ibang tao ang nangyayari sa akin iniisip nila na iresponsableng tao ako. Andun po ‘yung panghuhusga at kapag nanliligaw ako, kadalasan busted ako dahil na rin sa nakaraan ko.

Dr. Love ano po gagawin ko para mapaglabanan ko ang self pity sa panghuhusga ng ibang tao sa akin (sa opisina at malalapit na kaibigan) gusto ko na po kasi maka-move on? Maraming Salamat po. God bless you.

Hesus

Dear Hesus,

Huwag kang mawalan ng pananalig sa Diyos. Kapangalan mo pa naman ang Panginoong Hesus kaya sa Kanya ka kumapit at manalangin.

Wala kang mararating sa patuloy na pagmumukmok dahil sa pagkaawa sa sarili. Magtrabaho ka at magsikap. Patunayan sa ibang tao ang mali nilang akala sa iyo na ikaw ay iresponsable.

Hindi dapat tumigil sa pag-inog ng mundo para sa iyo. Tingnan mo ang buhay sa positibong anggulo nito. Naniniwala akong may mararating ka kung ngayon di’y kikilos ka at magsisikap.

Dr. Love

Show comments