Sa kasal ni Joan

Dear Dr. Love,

Una sa lahat, isang masaganang pangu­ngumusta.

Ako po si Ariel Bautista, 27-anyos, tubong San Fabian, Pangasinan.

Sa ngayon, nakapiit po ako sa pambansang bilangguan sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Law.

Kung bakit po ako natutong gumamit ng droga, ilalahad ko po ito sa inyo para magsilbing babala at aral sa inyong mambabasa na huwag tularan ang aking naging karanasan.

Natuto akong magbisyo dahil sa problema ko sa puso. Gusto kong limutin ang babaeng mahal ko sa buhay na sa kabila ng pagnanais naming dalawang magpakasal, tutol naman ang aming magulang.

Pinsan kong buo si Joan. Ang ina niya at tatay ko ay magkapatid. Mula nang aming pagkabata, barkada na kami at malapit sa isa’t isa. Hanggang sa naramdaman ko na lang na pinagseselosan ko ang sinumang lalaking nagpapahaging ng panlili­gaw sa kanya.

Niligawan ko siya, Dr. Love at tinanggap naman niya ng pagtatangi ko sa kanya.

Mula noon, binibisita ko na siya sa kanilang tahanan. Siya man ay nagtutungo din sa amin. Hindi naman halata ang aming relasyon dahil talaga namang malapit kami sa isa’t isa, palib­hasa’y magkababata.

Minsan, sa aming bahay, natukso akong yakapin at halikan si Joan kung saan inabutan kami ng aking ina sa ganoong sitwasyon. Nagalit sila at pinaglayo kami nang tuluyan. Nang dalhin sa ibang lugar si Joan.

Dala ng pagkasiphayo, natuto akong magbisyo. Sigarilyo, alak at kalaunan ay shabu. Nais kong makalimot. Galit ako sa pagkasiphayo ng aking unang pag-ibig.

Hanggang sa minsang bumili ako ng shabu sa isang kalapit na bayan, natiklo ako ng mga pulis na may dalang plastic bag na may lamang bawal na gamot.

Nakasuhan ako at nakulong sa piitang panla­lawigan. Inamin ko ang pagkakasala sa ginawang paglilitis sa payo ng aking kuya dahil wala na raw kaming panggastos sa kaso.

Nahatulan akong makulong nang mula walo hanggang 14 na taon.

Noong nasa provincial jail ako, palagi akong binibisita ni Joan kasama ang aking ina. Nang inilipat na ako dito sa Muntinlupa, bumisita rin sa akin si Joan pero hiningi na niya ang kalayaan. Na-realize daw niyang tama ang aming magulang.

Halos pumutok ang dibdib ko sa kalungkutan. Wala na rin akong magagawa.

Si Joan ay ikakasal na sa Setyembre 23 ng taong ito. Natanggap ko na rin na wala na kami sa isa’t isa. Pero ang ipinakiusap ko lang kay Joan, hayaan niyang matawagan ko siya sa araw ng kanyang kasal para personal ko siyang mabati at hangarin ang kanyang kaligayahan.

Puspusan ang pagpapailalim ko sa drug rehabilitation at tingin ko naman, maganda naman ang resulta ng aking pagpapagamot.

Ang hiling ko lang sa inyo Dr. Love, sa pamamagitan ng column mo, magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat. Kailangan ko ang mga kaibigang kasulatan para ganap na makalimot at matanggap na kailangan kong magpatuloy sa normal na pamumuhay kahit wala na sa akin si Joan.

Maraming salamat po at God bless you.

Yours sincerely,

Ariel Bautista

DTRC TCC Bldg. 6-B MSC Camp Sampaguita Muntinlupa City 1776

Dear Ariel,

Salamat sa liham mo at sa pagkakilala ng iyong kamalian.

Hindi lang bawal ang pag-iibigan ninyo ni Joan dahil sa isa kayong pamilya at ang nananalaytay sa inyong dugo ay magkaisa. May epekto rin iyan sa magiging supling ninyong dalawa sakali’t kayo ay magkatuluyan.

Marahil, nadala lang kayo ni Joan sa simbuyo ng damdamin dahil sa inyong kabataan. Wala rin kayong pagkakataong magkaroon ng ibang kaha­lubilo para makakilala ng ibang kaibigan na puwedeng pamilian na maging nobyo o nobya.

Binibigyan din ng pansin ng pitak na ito ang pinagdaraanan mong rehabilitation program para ganap ka nang makahulagpos sa atraksiyon ng droga.

Goodluck to you. Sa sandaling makalaya ka na, lawakan mo ang ginagalawang mundo ng sirku­lasyon para makakilala ka ng angkop na babaeng makakaisang puso mo sa hinaharap.

Dr. Love

Show comments