Ayaw sa kasal
Dear Dr. Love,
Hi and Hello to you. Tawagin mo na lang akong Mercy, isang OFW dito sa Singapore. I’m 27 years old, single and working as a domestic helper. Ang boss ko ay isang Chinese businessman na 61 anyos at biyudo. May anak siya na may asawa na rin at paminsan-minsan lang kung bumisita sa bahay nila.
Nililigawan ako ng amo kong matanda. Gusto ko na rin sana siya pero ayaw niya akong pakasalan. Sabi ko sa kanya, sasagutin ko lang siya kung papayag siyang magpakasal kami. For practical reason kasi ‘yung sa akin.
Mahirap lang ang pamilya ko sa Pilipinas at kung makakapag-asawa ako ng katulad niya ay giginhawa ang buhay ng aking mga magulang at kapatid. Minsan ay nakumbinsi niya ako na magtalik kami.
Akala ko sa pamamagitan noon ay papayag siyang magpakasal kami. Nagkamali ako. Ang feeling ko ngayon ay parang nakatali na ako sa kanya at hindi ako makatanggi sa gusto niya. Kahibangan ba ang ginagawa ko? Tulungan mo po ako?
Mercy
Dear Mercy,
Talagang kahibangan. Kailan man ay hindi dahilan ang financial security para ka magpakasal sa isang tao. At lalung kahibangan na pilitin mo ang taong magpakasal sa iyo kung ayaw niya.
Obviously, katawan mo lang ang hangad ng matandang iyan. Sinasabi mong para kang nakagapos na sa kanya at hindi makatanggi? Ikaw lang ang makakakalag sa gapos na iyan. Gaya nang sinabi ko, mali ang ginagawa mo kaya putulin mo habang maaga ang iyong kabalbalan.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa psnlibangan@ philstar.net.ph.)
- Latest
- Trending