Selos
Dear Dr. Love
I’m Cherry, 27 years old, married. Palagi po akong nagbabasa ng inyong pitak at marami akong natututunan sa buhay. Ang malaking problema ko po ay ang asawa ko. Magdadalawang taon na po kaming kasal at may isang anak kami. Buntis po ako ngayon sa pangalawa.
Tingin ko po kase may kinahuhumalingan siyang ibang babae at ito po ay kapit-bahay lang namin. Dati na niyang nakarelasyon ito bago pa kami.
Makailang ulit ko na siyang pinagbawalan na huwag makikipag-usap at makikipag-kaibigan sa babaeng ‘yun pero sinusuway n’ya po ako. Sobrang nagagalit po ako sa kanya sa tuwing mag-iigib siya ng tubig at nakikita kong nakikipag-usap siya sa babaeng ito.
Hindi naman po sa nagseselos ako kaya lang naiisip ko po kase na baka muling ma-revive ang kanilang dating relasyon. Ngayon po ay magkahiwalay kami dahil mas pinili niyang suwayin ang gusto ko kaysa sa pagbigyan ako para mapanatili ang aming magandang relasyon at ang aming pamilya. Kusa ko siyang nilayasan at nagbalik ako sa bahay ng aking magulang.
Naguguluhan ako at hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Tulungan mo ako Dr. Love.
Cherry
Dear Cherry,
Hindi kaya labis ka lang nageselos (kahit sinasabi mong hindi) kaya ka nagkakaganyan?
Dahil kapitbahay ninyo ang babae, natural lang na paminsan-minsan ay magkita sila lalu na sa isang publikong lugar tulad ng igiban ng tubig.
Maliban na lang kung sobrang magkadikit sila sa kanilang pag-uusap, hindi ka dapat magselos. Masama naman para sa magkakapitbahay ang nag-iisnaban, hindi ba?
Kaya mabuti pa ay balikan mo na ang iyong mister at baka tuluyan ka na nga niyang iwanan at bumalik doon sa dati niyang karelasyon.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa [email protected].)
- Latest
- Trending