Paano ko mababawi ang maling bintang?
Dear Dr. Love,
Isa pong masaganang pangungumusta sa inyo. Sa pagsapit po sa inyong pasulatan ng liham kong ito, isa na akong malayang mamamayan.
Pinalad akong mapalaya sa bilangguan ng ating Pangulo noong 2008 dahil sa pagpapakita ng kabutihang asal at marahil din, sa pagrerepaso ng aking kaso, walang matibay na basehan na ako nga ay isang salarin.
Mula sa dating habambuhay na pagkakabilanggo, napababa ang hatol ko hanggang sa mabigyan ako ng pardon.
Kaya nga lang po, kahit na ako nakalaya na, ang damdam ko, sirang-sira na ang aking pagkatao dahil sa pagkakapiit ko sa isang krimeng hindi ko naman talaga ginawa.
Isa akong dating security guard at ang dati kong amo sa kompanyang nadestinuhan ko ay namatay at ako ang napagbintangang pumatay sa kanya.
Wala na ako sa kompanya ng napatay kong amo at iba nang opisina ang kinadestinuhan ko. Pero ako ang siyang napagbintangang gumawa ng krimen.
Nawalang saysay ang aking depensa at ang lahat kong testigo noong panahong yaon na makapagpapatunay na inosente ako sa krimen ay isa-isang napatay.
Pinagdusahan ko ang kasalanang hindi ko kagagawan. Ang sakit palang mawalan ng kalayaan dahil sa malisyosong akusasyon.
Pati girlfriend ko ay nawala rin sa akin dahil marahil sa nawalan na siya ng pag-asang magkakatuluyan pa kami dahil nga habambuhay na pagkakapiit ang naging hatol sa akin.
Diyos na lang ang aking tinatawagan at ipinabahala ko sa Kanya ang aking kapalaran.
Dininig din Niya ang aking panalangin at ngayon nga ay malaya na ako.
Pero hindi ako masaya. Parang kulang ang kaligayahang nararamdaman ko dahil hindi mawala sa isip ko na isa akong ex-convict.
Payuhan po ninyo ako. Ganito ba talaga ang feeling ng isang dating bilanggo?
Mayroon pa kayang babaeng magtitiwala sa akin sa dinanas kong kapalaran?
Hintay ko po ang inyong mahalagang payo.
Lubos na gumagalang at nagpapasalamat,
Wilson ng Davao
Dear Wilson,
Ang pagkakalaya mo ay isang patunay na biktima ka lang ng maling akusasyon.
Maaaring hindi mawala sa isip mo na nananatili kang isang taga-labas ng lipunan dahil ang pag-aakala mo, ikaw ay kinasusuklaman ng mga dati mong kasamahan.
Iyan ang tinatawag na “estigma” ng nakaraan. Mawawala rin ang feeling na iyan.
Ipagpatuloy mo ang pagdalangin sa Diyos na sana’y patatagin pa ang tiwala sa hustisya at sa tao. Mahirap talaga ang bumangon sa kinalugmukang lusak kahit pa nga sabihing wala kang ginawang masama.
Isa lang ito sa mga hamon ng buhay. Kaya mong malampasan iyan dahil isa kang mabuting tao na biktima lang ng maling akusasyon.
Dr. Love
- Latest
- Trending