Dear Dr. Love,
Isang pinagpalang araw sa iyo Dr. Love. Paborito kong basahin ang iyong kolum at ikaw ang itinuturing kong the best sa lahat ng mga love advisers sa mga pahayagan.
Pakitago mo na lang ako sa pangalang Jimmy, 34-anyos.
Kagaya ng ibang kumokonsulta sa iyo, may pasan akong suliranin sa pag-ibig. Sa nakalipas na tatlong buwan ay dala-dala ko na ang problemang ito tungkol sa aking misis.
Tatlong taon na kaming kasal. Pero nitong nakaraang ilang buwan ay nag-iba siya. Hindi mo naitatanong, matanda ako sa kanya ng sampung taon. Nagtaka ako sa bigla niyang pagbabago. Malamig na siya at kadalasan ay tumatanggi na kami’y magsiping.
Kapag tinanong ko siya, sinasabi niyang walang problema. Pagod lang daw.
Ang hinala ko’y nagsisisi siya sa pagpapakasal sa akin o may iba na siyang kinalolokohan. Paano ko malalaman ang totoo?
Jimmy
Dear Jimmy,
Huwag kang karakarakang humusga at baka mali ang iyong inaakala. Maraming dahilan sa ipinagkakaganyan ng isang tao.
Hindi mo nasabi kung may trabaho ang misis mo. Baka naman talagang pagod siya. Sa ganyang kaso ay mahalaga ang change of environment. Magbakasyon kayo para naman hindi kayo nabuburyong sa pare-parehong tanawing nakikita ninyo araw-araw.
Kung hindi pa babalik ang dati niyang init, baka kailangang kumonsulta kayo sa psychologist na makatutulong nang malaki sa inyo.
Dr. Love
(Sa mga Overseas Filipino Workers na may problema at nangangailangan ng counseling, umugnay sa http://www.ofw online.ateneo.edu. Ito ay bukas seven days a week. This website project specifically targets OFWs and their families in different parts of the world.)