^

Dr. Love

Kay ilap ng kaligayahan

-

Dear Dr. Love,

Before anything else, isa munang masaganang pangungumusta. Sana po, lagi kayong nasa mabuting kala­gayan at malayo sa anumang karam­daman.

Mahirap balikan ang nakaraan nang hindi magdudulot sa akin ng ka­lung­kutan, panghihinayang at paninisi sa sarili. Abot ko na sana ang mini­mithing kaligayahan sa buhay pero nasilat pa ito.

Sa ngayon nga, nakakulong ako at umaamot ng kaunting kaligayahan at pang-unawa sa mga nagnanais na makipagkaibigan sa akin sa panulat. Humihingi rin po ako ng mahalaga nin­yong payo kung paano ko maiba­bangong muli ang sarili sa sinapit kong buhay.

Noong taong 2002, nagpasya akong lumuwas sa Maynila para mag­hanap ng trabaho para makatulong sa aking pamilya.

Pinalad naman akong matanggap bilang isang electronic technician.

Masaya na sana ako. Nakapag­pa­padala na ako ng tulong sa aking mga magulang at nakakaipon din ng kahit paano sa maganda-ganda ko ring kita sa trabaho.

Pero damdam ko, mayroon pa ring kahungkagan ang aking buhay.

Mayroong kulang. At napagtanto ko na loveless pala ako. Hindi ko pa kasi natatagpuan ang babaeng maka­pagpapaligaya sa akin.

Kaya nang makilala ko si Tonette sa pinapasukan kong opisina, mina­buti kong makilala siya nang husto. Parang siya ang babaeng hinahanap ko.

Kaya noong Araw ng mga Puso, lakas-loob akong nag-imbita sa kanya sa isang dinner.

Halos himatayin ako sa tuwa nang tanggapin ni Tonette ang aking imbi­tasyon. At iyon na nga ang pinag-um­pi­sahan ng aming magandang relasyon.

Nagsimula na kaming maghabi ng mga pangarap. Plano kong sa Pebrero 14, 2009 kami magpakasal ni Tonette. Pero may mga pangyayaring humad­lang sa planong ito.

Isang gabi noon, habang pauwi kami ni Tonette, may mga kalalaki­hang lumapit sa amin.

Tinutukan ako ng baril at sa gulo kong isipan, wala akong inalala noon kundi ang kaligtasan ng aking nobya na noon ay iyak nang iyak.

Iisa ako. May baril na nakatutok sa aking ulo. Paano ko ililigtas si Tonette? Pero lakas-loob na rin akong nag-isip ng paraan kung paano ko maaagaw ang baril na nakatutok sa akin.

Nang makahanap ng pagkakatoan, inagaw ko ang baril na iyon at pinaputok ko sa lalaki.

Pero hindi sinasadyang ang nata­maan ng punlo ay si Tonette. Human­dusay siya sa lupa at duguan. Lumapit ako kay Tonette nang magpulasan ng takbo ang grupo kasama ang isa ring duguang lalaki.

Hindi ko po alam ang aking ga­gawin. Minabuti kong dalhin si Tonette sa ospital. Pero nalagutan na siya ng hininga dahil sa dami ng dugong na­wala sa kanya.

Hindi ko matanggap ang nangyari kay Tonette. Iyak ako nang iyak at hindi ko mapatawad ang aking sarili sa nangyari.

Ang babaeng pinakamamahal ko ay nawala sa akin. Dahil sa guilty feeling sa nangyari, natuto akong mag­bisyo. Galit ako sa sarili at sa mundo.

Hindi ako nakulong sa nangyaring insidente pero naaresto ako dahil sa bawal na gamot na kinalululungan ko mula nang bawiin sa akin ng May­kapal si Tonette.

Habambuhay ang sentensiya sa akin. Kaya ang tawag dito sa akin sa loob ay Boy Life.

Alam kong nadapa ako at minabuti kong bumangon sa pagkakadapa. Nag­­pasya akong magpatuloy ng pag-aaral dito sa bilangguan. 

Taimtim din akong dumadalangin na sana, ang nangyaring trahedya sa buhay ko ay hindi na masusundan pa.

Alam kong pinatawad na rin ako ni Tonette sa pangyayaring nagbun­sod sa kanyang pagyao. At ang inihi­hingi ko sa kanya ng kapata­waran ay ang kahinaan ko kung bakit ako nalulong sa masamang bisyo.

May puwang pa kaya ako sa sos­yedad? Payuhan po ninyo ako at sa paglalathala ninyo ng liham kong ito, ang hingi ko sa marami ninyong mam­babasa ay huwag nila akong hatulan.

Sana, mayroong magkaisip na lumi­ham at makipagkaibigan sa akin para makabawas sa aking kalung­kutan.

Marami pong salamat at more power to you.

Gumagalang,

Dave Tolentino Devibar

Preventive Cell 239,

Bldg. 2, MSC, Camp Sampaguita,

Muntinlupa City 1776

Dear Dave,

Hindi mo sinasadya ang pang­yayari pero dahil mahal na mahal mo ang iyong nobya, hindi mawala ang guilty feeling mo.

May kanya-kanyang guhit ang ating palad. Tinawag na si Tonette ng Lumikha dahil tapos na ang kanyang misyon sa mundong ibabaw. Kahit paano, pinaligaya ka niya. Sayang nga lang at hindi ito nagtagal dahil nga kinuha na siya ng Maykapal.

Sana, pinahalagahan mo ang naiwang maikling kaligayahan na naibigay sa iyo ni Tonette.

Hindi ka sana naging mahina. Hindi mo na maibabalik pa ang naka­raan. Naging instrumento ka lang sa pagbabalik ni Tonette sa Panginoong Lumikha sa kanya. Ito na lang ang dapat mong isaisip.

Maligaya na siya sa piling ng Lumikha. Matutuhan mo sanang tanggapin na hiram lang ang ating buhay at kapag dumating na ang panahong kinukuha na tayo ni Lord, wala tayong magagawa kundi idala­ngin ang kapayapaan ng kanyang kaluluwa at kaligayahan sa kaitaasan.

Matutuhan mong bumangon sa kinadapaan mo at magkaroon ka ng resolusyon sa sarili na hindi ka na babalik sa masamang bisyo.

May maganda ka pang pagkaka­taong makabawi sa nagawang kasa­lanan. Dumalangin ka at ikaw ay diringgin ng Panginoon.

Dr. Love

AKIN

AKING

AKO

AKONG

KONG

PERO

SHY

TONETTE

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with