^

Dr. Love

Pagyao ng mahal ko natanggap ko na ngayon

-

Dear Dr. Love,

Una po, masaganang pangungumusta sa inyo at dalangin ko na patuloy pang magtagumpay ang pitak ninyong ito para marami pa kayong matulungang may problemang tulad ko.

Ako po si Rodel, tubong Isabela, 36 taong-gulang at kasalukuyang nakapiit sa pambansang bilangguan.

Alam kong ang pagkakakulong ko ay bunga ng aking mga nagawang kamalian at paghihimutok sa buhay na siyang nagbunsod sa aking pagrerebelde.

Dalawampu’t apat na taon pa lang ako nang mag-asawa. Maganda, mabait at masinop ang aking napiling katuwang sa buhay.

Walang pagsidlan ang tuwa sa aking puso sa pagkakatagpo ko sa aking naging kabiyak. Suwerte siya sa akin.

Kaya naman masaya ang buhay ko noon. Puspusan ang aking pagsisikap at pagsisipag sa trabaho para mapaghandaan naming mag-asawa ang kinabukasan ng aming pamilya lalo na ng aming magiging supling.

Sulit naman ang aking pagsisipag dahil maganda naman ang takbo ng aming pamumuhay.

Ang akala ko noon, wala nang darating na kalungkutan. Pero dumating ang hindi ko inaakalang daluyong sa aming buhay. Binawian ng buhay ang mahal kong asawa dahil sa bukol sa matres. Hindi maampat ang luha ko at pagtangis sa kanyang pagkamatay.

Hindi ko matanggap na maagang babawiin ni Lord ang aking maybahay sa akin. Marami akong katanungan noon sa Maykapal. Bakit binawi agad siya sa akin?

Nagrebelde ako. Kung anu-anong bisyo ang pinasok ko. Nagpakasama ako. Sumama ako sa grupo ng mga holdaper para matustusan ang mga bisyo ko. Pinabayaan ko na ang mga naipundar naming kabuhayan sa laki ng sama ng loob. Hanggang sa bumagsak ang aking katawan.

Dumating din ang panahon na nahuli ng mga awtoridad ang iba naming kasamahan sa masamang gawain. Ipinagtuturo niya kaming nasa laya pa noon. Kaya nga, heto ako at nakakulong, pinagdurusahan ang mga kasamaang ipinunla sa lipunan.

Noong mapasok ako sa piitan, ang akala ko, narito nang lahat ang mga latak ng lipunan. Ang mga masasama na nakagawa ng lahat na uri ng pagkakasala.

Pero nang pumailalim na ako sa rehabilitasyon, napagtanto ko na ang piitan pala ay isang lugar na hubugan ng kabutihan para sa sandaling mapagsisihan na ang kasalanan, makabalik na kami sa malayang lipunan at makatulong sa kabutihan ng marami.

Maayos naman ang turing sa amin dito. Isang araw ng Linggo, naisipan kong magtungo sa simbahan at nakinig ako sa sermon ng pari.

Ang sabi niya: “Ang sabi ng Diyos, lumapit kayo sa Akin kayong nagpapasan ng mabigat na pasanin sa buhay at kayo ay pagpapahingahin Ko.”

Sa narinig kong yaon, hindi ko namamalayan, tumutulo na ang luha ko. At nasabi ko sa aking sarili, mali pala ako. Mali pala ang pananaw ko sa buhay. Nagsisi ako at umiyak nang umiyak at humingi ng kapatawaran sa Diyos sa mga kasalanang nagawa ko.

Sa taimtim na pagdarasal, parang naramdaman ko ang presensiya ng Diyos. Parang may yumakap sa akin na napakalamig at tumayo ang mga balahibo ko.

Natanggap ko na rin ang pagyao ng aking maybahay at alam kong masaya na siya sa piling ng Diyos sa kaitaasan.

Sa ngayon, nag-aaral ako ng kursong Fine Arts at sinamantala ko ang mga programa ng gobyerno na puwede kong magamit sa paglaya ko at panunumbalik sa lipunan.

Ang tanging hiling ko lang po, magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat na siyang magsisilbing inspirasyon ko sa pagbabagong buhay.

Maraming salamat po at mabuhay kayo.

Gumagalang,

Rodel G. Sevilla

4-B Student Dorm YRC,

Camp Sampaguita,

Muntinlupa City 1776

 

Dear Rodel,

Talagang ang nagtitiwala sa Panginoon, nagkakaroon ng panibagong pananaw sa buhay at nanunumbalik ang tiwala sa lipunan at mga institusyong humuhubog sa pagbabago sa sangkatauhan.

Ipagpatuloy mo ang pag-aaral at magkaroon ka ng resolusyon sa sarili na huwag nang babalik pa sa masasamang gawi.

Kung mayroong kasiphayuang nadarama sa buhay, isipin lagi na hindi ito ibibigay ng Panginoon kung alam Niyang hindi makakayang lutasin ng binibigyan ng matinding pagsubok sa buhay.

Maligaya na ang maybahay mo sa kinalalagyan niya ngayon. Hindi siya kukunin ng Lumikha kung alam Niyang mayroon pa siyang hindi natatapos na misyon sa lupa.

Idalangin mo na lang ang kapayapaan ng kanyang kaluluwa sa sinapupunan ng Diyos.

Dr. Love

AKING

AKO

B STUDENT DORM

BUHAY

CAMP SAMPAGUITA

DEAR RODEL

DIYOS

DR. LOVE

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with