Inakong pagkakasala

Dear Dr. Love,

Isa rin po ako sa mga umiidolo sa inyo at sa malaganap ninyong column. Ito po ang dahilan para maakit din akong lumiham sa inyo at ibahagi sa marami ninyong mambabasa ang naging karanasan ko sa buhay at kung bakit ako ngayon ay naiwang lumuluha.

Ako po si Romeo Sanchez, isa sa mga inmates dito sa Dapecol, Davao del Norte.

Noon pong ako ay fourth year high school student, nakilala ko ang babaeng nagpatibok sa aking puso. Siya po si Honey Rose, maganda, sexy at very intelligent. Mahal ko po siya at ipinangako ko sa kanya noon na handa kong hamakin ang lahat para siya ay lumigaya.

Nguni’t sinubok ng panahon ang maganda naming pagtitinginan.

Pagkatapos namin ng high school, sabay kaming pumasok sa summer job at nang dumating ang pasukan, sabay pa kaming nag-enroll sa unang baytang sa kolehiyo.

Ngunit hindi ko akalaing darating ang isang trahedya sa aming relasyon na siyang naging daan sa pagkawasak ng aming mga pangarap sa buhay.

Isang gabi po noon, pinasok ng aking kaibigan ang kuwarto ng aking girlfriend sa boarding house. Tangka sana siyang gahasain, subali’t nasaksak po siya ng aking girlfriend na siya nitong ikinamatay.

Huli na ang lahat nang dumating ako ng tumawag siya para magpasaklolo.

Sa takot kong makulong, magdusa at pahirapan sa piitan ang girlfriend ko, minabuti kong akuin ang kanyang pagkakasala.

Ang sabi ko sa aking sarili, hindi bale nang ako ang makulong kaysa pabayaan kong mabulok sa piitan ang mahal ko.

Kaya heto ako ngayon, nakakulong para ilibre sa kasalanan si Honey Rose.

Ako ngayon ang nahihirapan at nagdurusa sa sobrang pagmamahal ko sa kanya. Pero ano ang kanyang isinukli sa akin? Iniwanan niya ako at mayroon na siyang ibang minamahal.

Dr. Love, payuhan po ninyo ako.

Hanggang dito na lang po at sana, magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat.

Maraming salamat po sa pagbibigay-daan ninyo sa liham ko at more power.

Sincerely yours,

Romeo Sanchez

Maximum Compound,

DPPF, Dapecol,

Davao del Norte 8105

Dear Romeo,

Kung nagnanais kang bumawi sa nauna mong deklarasyon na ikaw ang pumatay sa nagtangkang manggahasa sa nobya mo, makabubuting sumangguni ka sa abogado para alamin kung mayroon ka pang pagkakataong umurong sa iyong naunang statement.

Sa aking pagkaalam, mayroong prescribed period ang paghahabol para mapabuksan uli ang iyong kaso. Sabagay, mayroon namang magandang basehan ang paghahabol at iyan ay kung mayroon kang maihaharap na matibay na ebidensiya na susuporta sa pagbabago ng iyong desisyon.

Tanging ikaw ang makapagdedesisyon sa isyung ito at kung may abogado kang makakatulong sa iyo.

Sana’y hindi mo na pinatagal ang pagbabago ng iyong desisyon. Baka maakusahan ka pang nagbago ng deklarasyon dahil iniwanan ka ng babaeng inako mo ang kasalanan.

Sangguniin mo muna ang isang abogado kung may pagkakataon ka pang maghabol sa sentensiya mo.

Ang ginawa mong pag-amin sa pagkakasala ng iba ay isang obstruction of justice. Kinanlong mo ang gumawa ng krimen dahil sa siya ay nobya mo.

Ang maipapayo ko, pakaisipin mo munang mabuti ang hakbang na gagawin at huwag kang magpabigla-bigla tulad nang akuin mo ang kasalanan ng nobya mo para maiiwas siya sa hirap ng buhay sa kulungan.

Dr. Love


Show comments