Di na magkakaanak, dapat pa bang mag-asawa?

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong Liza, 26-anyos, dalaga at may boyfriend na nagyayaya na sa akin na magpakasal.

Ngunit may lihim akong hindi niya nalalaman. Noong 21-anyos ako, nagkaroon ako ng tumor sa matres at inoperahan ako. Hindi naman ito malignant pero nakaapekto ito sa aking fertility. Sabi ng aking doktor ay hindi na ako magkakaanak. Kaya ito ang naging malaki kong problema.

Gusto na ng boyfriend ko na magpakasal kami sa loob ng taong ito. Mabait ang boyfriend ko at mayroon na kaming joint account para sa aming future. Kapag namamasyal kami o kumakain sa labas, laging niyang sinasabi sa akin na ibig niya na magkaroon ng limang anak. Hindi ako makasagot. Natatakot ako sa magiging reaksyon niya kapag nalaman niya ang totoo. Mahal na mahal ko kasi siya at ayaw kong mawala siya sa akin.

Dapat na ba akong magtapat sa kanya? Papaano kung ayawan niya ako dahil sa aking kapansanan? Tulungan mo ako, Dr. Love.

Liza

Dear Liza,

In fairness sa boyfriend mo, dapat kang magsabi ng totoo. Hindi mo puwedeng ilihim ang kalagayan mo habambuhay. Sabi nga, walang anumang sikreto na hindi nabubunyag kalaunan.

Gaya rin ng ibang lalaki, nangangarap ang boyfriend mo na magkaroon ng pamilya na hindi mo naman pala kayang ibigay. Kung magpapakasal kayo nang hindi ka nagtatapat sa kanya, pagmumulan iyan ng maselang conflict sa buhay ninyo pagdating ng takdang panahon.

Sa ilalim ng batas, ang pagtatago ng ganyang sikreto sa iyong mapapangasawa ay puwedeng maging basehan ng annulment o pagpapawalang-bisa ng kasal. Logic will dictate na habang maaga ay sabihin mo na sa iyong kasintahan ang kapansanan mo.

Kaya ngayon pa lang ay magtapat ka na sa kanya. Kung tunay ka niyang mahal, uunawain ka niya. Ang tunay at dalisay na pag-ibig ay walang kapintasang tinitingnan. Sabi nga ng Bibliya, “love covers a multitude of imperfections.” Pero kung mas mahalaga sa kanya ang pagkakaroon ng anak, maaaring putulin niya ang inyong relasyon. Sa ano mang posibilidad ay kailangang ihanda mo ang iyong sarili. Remember Liza that you cannot ignore a problem and pretend it doesn’t exist.

Dr. Love

Show comments