Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang po akong si Al, 37 years-old, tubong Mindoro. Kung bakit ako napadpad sa bilangguan ang siyang ilalahad ko sa liham na ito.
Sa department store ko nakilala ang babaeng minahal ko nang labis. Isa akong sign artist sa isang sinehan. Kahit kaunti lang ang aking kinikita masaya na ako dahil ito ay aking pinagpaguran. Dagdag pa sa aking pagkakontento sa buhay ang pagmamahal na ibinibigay sa akin ni Mabel.
Sa bawat araw na pinagsamahan namin ng aking kasintahan ay mga alaalang hindi ko mabura sa isipan. Maraming pangarap ang aming binuong dalawa. Malaki ang pasasalamat ko sa Diyos sa pagbibigay niya sa akin ng isang nobyang mapagmahal at malambing.
Ang buong akala ko, wala nang katapusan ang kaligayahan naming dalawa na mauuwi sa pagpapakasal. Ngunit isang pagsubok ang dumating sa aking buhay na nakapagpabago sa takbo nito.
Ang babaeng minahal ko nang labis at iginalang ay nagpakamatay. Naging biktima siya ng pagsasamantala at paglapastangan at isa pa niyang amain ang bumaboy sa kanya.
Tumakas ang salarin at isinumpa ko sa ibabaw ng bangkay ni Mabel na mabibigyan ng katarungan ang nangyari sa kanya.
Para makalimot, lumayo ako ng Nueva Vizcaya at nagdesisyon akong magsimulang muli sa wala.
Unti-unti ko na sanang nalilimutan ang malagim na nangyari sa aking kasintahan subali’t sa hindi sinasadyang pagkakataon, nagkrus ang aming landas ng lalaking responsable sa pagkawala ni Mabel.
Hindi ako nagdalawang-isip. Sinugod ko siya at pinatay. Habang pinahihirapan ko siya hanggang mamatay, sa hindi malamang dahilan, umaagos ang aking luha.
Wala akong pinagsisihan sa aking ginawa dahil alam kong naiganti ko na si Mabel at masaya na siya kung saan mang dako siya naroroon.
Pinagdurusahan ko na ngayon sa piitan ang aking kasalanan. Sa palagay kaya ninyo, may tao pa kayang magmamahal at magtitiwala sa akin?
Sana po, magkaroon ako ng kaibigan na tatanggap sa aking pagkatao kahit man lang sa pamamagitan ng pagsusulatan.
Yours sincerely,
Al Agapulco 4-B Student Dorm,
Camp Sampaguita, Muntinlupa City 1776
Dear Al,
Nakapanghihinayang ang nangyari sa iyong nobya at sa inyong pag-iibigan. Talagang ang buhay ay mahirap matarok ang kahiwagaan. Tulad ng sinabi mo, isa na itong pagsubok sa iyong tatag at sa iyong paniniwala sa Diyos.
Anuman ang karanasan mo sa buhay, mapait man at masaya, bahagi ito ng pakikihamok kaya huwag kang mawawalan ng tiwala sa Kanya.
Dagdagan mo ang pagdalangin para ibayo pang maging matatag ang kalooban mo sa anumang pagsubok pang darating. Maganda ang naisipan mong pagpapatuloy ng pag-aaral kahit nasa loob ka ng bilangguan.
Pagbutihin mo ang rehabilitasyon diyan sa loob at sa sandaling matapos mo na ang hatol sa iyo ng korte, makikita mo ang pagkakaiba ng buhay sa laya at sa piitan. Hangad ng pitak na ito ang katuparan ng iyong pagnanais na magkaroon ng mga kaibigan sa panulat.
Dr. Love