Kulasa

Dearest Dr. Love,

Isang mainit na pagpupugay sa iyo. Ikubli mo na lang ako sa alyas na Kulasa. Sasabihin mo siguro ang pangit ng pangalan kong napili. Pero ganyan naman talaga ako. Kulang sa ganda nang ipanganak.

Kaya siguro mailap ang tunay na pag-ibig sa akin. Kaya nang magsi­mula sa Channel 2 ang Betty La Fea, parang nagsilbing inspirasyon ito sa akin. May pag-asa pala ang mga pangit na katulad ko na ibigin ng gu­wapo at mayaman.

Pero kapag nahihimasmasan ako, nari-realize ko na palabas lang iyun at hindi nagkakatotoo. Sa ngayon ay magti-30-anyos na ako sa susunod na buwan.

May mga nanliligaw sa akin noon pero halata namang kinukutya lang ako at binobola. Sino ba naman ang papatol sa itsura kong ito? Maitim, pandak at mataba.

Pero may isang nanliligaw sa akin. Pangit din siyang katulad ko. Tingin ko naman ay serious siya sa panli­ligaw. Dahil sa takot ko na tumandang dalaga, parang gusto ko na rin siyang sagutin.

Kaya lang, natatakot ako na baka ang mga anak na isilang namin ay katulad naming pangit din. Ayokong kutya-kutyain ng lipunan ang aking magiging mga anak.

Ano ang dapat kong gawin? Sagutin ko na kaya si Kulas?

Kulasa

Dear Kulasa,

Kung wala ka namang nadara­mang pag-ibig, huwag mong sasa­gutin si Kulas nang dahil lang sa takot mong tumandang dalaga.

Pero kung mahal mo siya ay why not. Huwag mong laitin ang inyong anyo dahil walang ginawang pangit ang Diyos.

Iba-iba ang itsura nating mga tao at tayo lang ang naglalagay ng label na pangit at maganda. Tayo na rin ang humuhusga sa anyo ng ating kapwa tao.

May mga maganda ang anyong panlabas pero pangit naman ang ugali o kalooban. Pero may mga gaya mo na salat sa gandang panlabas pero maganda naman at busilak ang kalooban.

Ang anyo, gaano man kaganda ay kumukupas sa paglipas ng mga araw. Kapag matanda na at kulubot na ang balat ng tao, pare-pareho na lang tayong salat sa ganda.

Kaya ang mithiin mo ay ganda nang kalooban dahil iyan ang gan­dang hindi kumukupas.

Dr. Love

Show comments