Dear Dr. Love,
Isang mapagpalang araw sa inyo at sa lahat na bumubuo ng malaganap ninyong pahayagan, ang Pilipino Star NGAYON.
Tawagin mo na lang po ako sa pangalang Hanz. Isinilang ako sa Gen. Trias, Cavite. Doon ako lumaki at pagkalipas ng maraming taon ay natutong bumarkada at magbisyo. Simple lang ang aming pamumuhay.
Tatlo kaming magkakapatid at ako ang bunso. Pebrero 2006 nang ako ay yayain ng aking mga kaibigan na pumunta sa Samar.
Atubili sana akong sumama dahil wala naman akong kamag-anakan ni mga kakilala roon. Pero dahil sa pamimilit ng aking mga kaibigan, napahinuhod ako.
Doon ay may nakilala akong babae na si Jessa Fernandez na nagpatibok sa aking puso. Mabait siya, maganda at malambing. Hindi ko inaasahan na ang kabaitan pala niya ay may nakatagong balatkayo na siyang magsasadlak sa akin dito sa madilim na bilangguan.
Habang nasa Samar ako, nagkaroon ako doon ng trabaho bilang pahinante. Masaya naman ako kahit malayo sa aking pamilya. Ang dahilan ay napalapit ako kay Jessa na labis kong minahal.
Mayo 21, 2007 nang mangyari ang krimen na hindi ko inaasahan.
Gabi noon, galing ako sa trabaho. Hinanap ko si Jessa sa kanyang kapatid at itinurong nasa bahay daw. Kaagad akong nakarating sa kanilang tahanan na ilang dipa lang ang layo sa kinakitaan ko sa kanyang kapatid.
Sa hindi ko malamang dahilan, kinakabahan ako noon. Hindi nga ako nagkamali. Nang ako’y pumasok sa kanilang tahanan, nabigla ako sa aking nakita na hubo’t hubod si Jessa at may kasamang isang lalaki at nagpapasasa sa kanyang katawan.
Umakyat agad ang aking dugo sa buo kong katawan. Hindi ako nagdalawang-isip. Ako’y nagtungo sa kusina at kumuha ng itak at agad ko silang binalikan at pinagsasaksak ang lalaki hanggang sa mapatay.
Si Jessa naman ay parang tulala sa bilis ng mga pangyayari. May mga taong nakapansin sa pangyayari. Kaagad silang tumawag ng pulis at ako’y inaresto at dinala sa piitan.
Sa ginawang imbestigasyon, inamin ko na ako ang sumaksak sa namatay na lalaki. Idinahilan ko na nagawa ko ang krimen sa labis na pagmamahal ko sa aking kasintahan na ang buong akala ko’y biktima ng panggagahasa. Nagsisisi ako sa pangyayaring ito at taos-puso kong tinanggap ang aking pagkakasala.
Lumiham po ako para hingin ang tulong niyo na sana’y magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat upang mapawi ang aking kalungkutan.
Marami po akong kasamahan dito sa loob na tulad ko na nawalan ng pamilya, iniwan ng asawa, kasintahan at iba pang mahal sa buhay mula nang mapasok sa bilangguan.
Ngayon po, bagaman malayo ako sa pamilya, masaya na rin ako. Abala po ako sa aking pagiging miyembro ng choir ng simbahang Katoliko at dahil sa pagiging abala sa gawain ay dito ko nararamdaman ang kapayapaan ng kalooban.
Maraming salamat po at dalangin ko na sana isang araw ay makatagpo rin ako ng babaeng magmamahal sa akin nang tapat.
Hanggang dito na lang po at sana’y lumawig pa ang pahina ninyong ito dahil marami kayong natutulungang tulad ko.
Gumagalang,
Hanz Landicho
Dorm 235, MSC,
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Hanz,
Talagang ang mga taong padalus-dalos umaksiyon at hindi iniisip ang ginagawa ay nakakagawa ng mga kabiglaanan na pagsisihan sa dakong huli matapos mapag-isipan ang naging resulta ng pabara-barang hakbang.
Sa pag-aakalang biktima ng rape, mabilis ang iyong naging pasya at hindi inisip ang konsekuwensiya.
Mabuti naman at natanggap mo ang iyong kamalian. Isang pagkakamali na pagdurusahan mo nang matagal sa kulungan sa pag-aakalang idinepensa mo ang puri ng iyong kasintahan.
Pero dahil buhay ang iyong inutang, may katugong parusa ang batas.
Sikapin mong lubos na mapagsisihan ang pag-utang sa isang buhay. Mauunawaan ka ng Panginoon dahil labis kang nagtitika sa nagawa mong pagkakamali.
Dalangin din ng pitak na ito na makatagpo ka ng babaeng iibigin ka nang tapat.
Dr. Love