Dapat bang idemanda ang nagtaksil na asawa?
Dear Dr. Love,
Bago ang lahat ay hayaan mo muna akong bumati sa iyo at sa bawat nagbabasa ng iyong pitak.
Tawagin mo na lang akong Mila, 26-anyos at kasalukuyang nagdadalamhati pa dahil iniwanan ko ng aking asawa at sumama sa ibang babae.
Naiwan sa aking pag-aaruga ang nag-iisa naming anak.Tatlong taon pa lang ang aming anak at wala naman akong trabaho. Sa simula pa ay isa nang iresponsable ang mister ko. Malakas siyang kumita pero ang iniintrega niya sa akin ay kulang pa sa pang-araw-araw naming gastos.
Limang buwan na kaming nakasandal sa aking mga magulang na galit na galit. Ang sabi sa akin ng tatay ko ay idemanda ko ang aking asawa.
Dapat ko bang gawin ang magdemanda Dr. Love? Kasi, alam kong gastos ito at mai-eskandalo ang aming pamilya. Tulungan mo po akong magdesisyon.
Mila
Dear Mila,
May karapatan kang maghabla pero kailangang mapatunayan mong may kinakasamang ibang babae ang iyong asawa. Totoong gagastos ka riyan. Pero kung ang hinahabol mo’y katarungan lalo na sa nag-iisa ninyong anak na iniwanan sa iyo ng iyong asawa, iyan nga marahil ang dapat mong gawin.
Kung hindi lang sa dahilang iniwanan ka niyang mag-isa sa ere sa pag-aaruga ng inyong anak, dapat mo pang ipagpasalamat ang kanyang pagkawala.
Dr. Love
- Latest
- Trending














