Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang po akong Nino Dumaguin, 30-anyos at tubong Iloilo City.
Naririto ako ngayon sa pambansang piitan dahil sa kasong murder. Nakulong po ako dahil sa babaeng minahal ko ng higit sa aking buhay pero hindi nagpahalaga sa pagmamahal na yaon.
Nag-live in kami ng nobya ko at sa buong panahon ng aming pagsasama, sinikap kong buhayin siya at papag-aralin para mapaunlad ang aming buhay. Kahit isa lang akong tricycle driver, naigapang ko siya hanggang sa second year college.
Dito nagsimula ang pagbabago niya sa akin. Palagi niya akong inaaway at hinahanapan ng butas para kami magkaengkuwentro.
Hindi ko alam kung bakit nagbago siya. Hanggang sa sinabi sa akin ng isa niyang classmate na mayroon siyang kasamang ibang lalaki, isang pulis.
Ilang araw ang nakalipas matapos kong matuklasan ang pagtataksil ng aking nobya, nadatnan ko sila sa aming silid na magkayakap.
Sa sobrang galit ko, naagaw ko ang baril na nakasukbit sa bewang ng pulis at pinaputok ko iyon sa kanilang dalawa. Ang pulis ang tinamaan at namatay.
Hindi ko sukat akalain na makakapatay ako ng tao dahil sa galit. Kaya heto ako, nakakulong sa isang pagkakasalang hindi ko sinasadya.
Sana po sa pamamagitan ng liham kong ito ay may mga taong magtitiwala at makikipagkaibigan sa akin sa panulat.
Nais ko lang namang sumaya ako habang naririto sa piitan. Ang feeling ko, aping-api ako at wala nang silbi.
Salamat po and more power,
Nino Dumagauin
1-B Student Dorm,
YRC, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Nino,
Sana, noon pa lang inaaway ka ng nobya mo ay nakuro mo na ayaw na niya sa iyo. Noon pa lang, namulat na sana ang mga mata mo para hindi na lumawig pa ang pagpapakamartir mo at hindi ka na nakapatay ng tao.
Iyan ay isa lang pagmumulat ng mga mata mo na sa buhay na ito, ang taong pinakain mo sa palad ay magtataksil sa iyo dahil sa may iba siyang inaambisyon sa buhay. Ginamit ka lang niya para makamit ang layon niya sa buhay at iyan ay makatapos siya.
Magsisi ka man ngayon ay wala na ring mangyayari. Nadungisan mo ang iyong mga kamay dahil sa niloko ka ng isang taong minahal mo nang labis.
Hamon ito sa iyo para lalo kang magpakatatag sa buhay. Hangarin mo ang maaga mong paglaya sa pamamagitan ng pagpapakita ng kabutihang loob at ganap na pagsisisi sa pagkakasala mo.
Hindi natutulog ang ating Panginoon. Dumalangin ka at huwag mawawalan ng tiwala sa Kanya dahil bibihisin ka rin sa mga kasawian mo sa buhay.
Dr. Love