Dear Dr. Love,
Kumusta ka? Nawa’y datnan ka ng aking sulat na nasa mabuting kalagayan.
Tawagin mo na lang akong Liza, 20-anyos at may asawa. Eighteen years-old pa lang ako nang pakasalan ko ang aking mister na si Ivan. Beinte- anyos siya noon.
Hindi ko naman siya boyfriend. Ganito ang nangyari kung bakit ko siya napangasawa. Si Ivan ay kaibigan ng aking Kuya Ben. Family friend na rin siya at madalas pumasyal sa bahay.
Minsan, ipinagpaalam niya ako sa aking mga magulang dahil wala siyang ka-partner sa kanilang school prom. Pumayag ang aking mga parents dahil tiwala sila kay Ivan.
Inabot ng hatinggabi ang party at nang papauwi na kami, nasiraan ang kotse ni Ivan nang lumusot ang gulong sa isang open manhole. Medyo ilang ang lugar at wala nang matawagang mekaniko kaya naghintay kami hanggang umaga at natulog sa loob ng kotse.
Konserbatibo ang mga parents ko. Hindi nila pinaniwalaan ang aming sinabi kung bakit kami inumaga. Agad nilang ipinatawag ang mga magulang ni Ivan at itinakda ang aming kasal.
Sabagay, guwapo si Ivan at ang sabi niya’y crush din niya ako. Pero wala akong feelings sa kanya. Siya rin ay halata kong walang feeling sa akin kahit sinabi niyang crush niya ako. Ano ang gagawin ko?
Liza
Dear Liza,
Dapat sana’y noon mo pa kinumbinsi ang mga magulang mo na huwag ipilit na ipakasal kayo ni Ivan.
Mag-usap kayong mag-asawa tungkol sa posibilidad na ipa-annul ang inyong kasal at sa tingin ko’y may legal basis para rito.
Hindi kayo nagmamahalan at mayroon lang outside factor na pumilit sa inyo na maikasal. Kumonsulta kayo sa abogado na higit na nakakaalam.
Dr. Love