Nabansot na pagbabagong-buhay

Dear Dr. Love,

Ako po ay 38 taong-gulang at kasalukuyang nakakulong sa Camp Sampaguita, Muntinlupa.

Dati po ako sa kilusan. Bata pa po ako ay nahiwalay na ako sa mga magulang ko na nagmahal at gumabay sa akin. Sa kabila po ng iba’t ibang pagsubok sa buhay na aking nakaharap, nalampasan ko naman lahat ng mga ito.

Mula probinsiya, naglayas ako at nagpunta sa Maynila. Dito ko po naranasan ang lahat ng kalupitan sa buhay. Namuhay ako nang walang magulang na nadadaingan ng mga problemang dumarating sa buhay ko.

Natutulog ako kung saan-saan at dumidiskarte kung nakakaramdam ng pagkalam ng sikmura. Hanggang sa may makilala akong kaibigan at nagkagaanan kami ng loob sa isa’t isa.

Sa aming pagkukuwentuhan, nabanggit niya sa akin na miyembro siya ng kilusan. Naengganyo akong sumama sa kanya. Nagpaikut-ikot kami sa bundok. Marami kaming mga panganib na sinuong pero nalampasan namin.

Sa 12 taong pagsama ko sa kanila, marami akong natutuhan sa kanilang mga ipinaglalabang adhikain. Pero naisipan kong walang katahimikan ang buhay ko kaya nagpasya akong bumaba ng bundok at nagbalik-loob sa pamahalaan.

Tahimik na sana ang aking buhay. Nagsikap ako para mabuhay sa mabuting paraan. Nakilala ko rin ang babaeng nagpatibok sa aking puso. Minahal ko siya at pinagsilbihan. Nagsama kami nang maayos.

Pero nawalang lahat ang maganda na sanang takbo ng buhay ko sa kagagawan ng intrigerong mga tao. Kinainggitan kasi ako sa lugar namin. Pero hindi ko pinansin ang lahat nilang pagsira sa buhay ko. Pero may hangganan ang pasensiya nang pati buhay ko ay gusto nilang kuhanin.

Hindi ako pumayag. Nilabanan ko sila at nakapatay ako ng tao.

Bumagsak ang aking mga pangarap. Pati ang mahal ko ay nawala sa buhay ko nang matalo ako sa kaso at nakulong. Masakit ang nangyari sa akin.

Pero kahit nasa kulungan, pinilit ko pa ring bumangon. Nag-aaral ako ngayon dito sa loob. Ang hangad ko po ngayon ay magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat para maibsan ang kalungkutan ko sa kulungan.



Melchor Dumanay

1-B Student Dorm,

Y.R.C. Building 4,

Camp Sampaguita

Muntinlupa City 1776




Dear Melchor,


Salamat sa liham mo. Sana tulad ng dati, hindi mawala ang tiwala mo sa Panginoon at sa lipunan sa kabila ng pagkakakulong mo.

Mabuti ang naisipan mong pag-aaral dahil ito ay magagamit mong sandata sa pagbabagong-buhay sa sandaling nasa laya ka na uli.

Good luck to you at sana ay matagpuan mo ang hanap na kaligayahan sa buhay.

Dr. Love

Show comments