Nagkamali ako

Dear Dr. Love,
Isa pong magandang araw sa inyo at nawa’y sapitin kayo ng liham na ito sa mabuting kalagayan.

Noon pong nasa malaya pa akong lipunan, maayos ang takbo ng aking buhay. Dangan nga lang at malayo ako sa aking mga mahal sa buhay at hindi ako nakinig sa kanilang mga paalala.

Kaya heto ako, nasa kulungan at nangungulila sa mga mahal sa buhay.

Kaya naman, abut-abot ang aking pagsisisi sa hindi ko pagtalima sa mga payong ibinibigay nila noon sa akin. Iyon ang aking malaking pagkakamali. Dalawampung taong-gulang po ako nang mapasok sa isang fraternity. Lalo ko nang nakalimutan ang aking mga magulang.

Noong mga panahong yaon na kasama ko ang fraternity brothers ko, napakasarap at napakasaya ng buhay ko. Ang akala ko noon, wala nang katapusan ang ligaya ko.

Pero huli na nang mapagkuro ko na kung may simula ay mayroon ding katapusan at ang tagumpay ay mayroong hangganan.

Nagsimula ito nang may ipakilala sa amin ang fraternity leader namin na isang magandang babae. Siya ay bagong kasapi namin.

Hanga ako sa kanyang kagandahan. Kaya naman, hindi naglaon at niligawan ko siya.

Hindi naman nagtagal at sinagot niya ako. Pero habang tumatagal ang aming relasyon, napapansin ko na parang hindi ako nag-iisa sa kanyang puso.

Nang magkaroon ng isang pagtitipon ang grupo, iyon na pala ang huling kasiyahan na aking mararanasan.

Nagkaroon kasi ng bukingan sa harap ng grupo. Hindi lang pala ako ang bf ni Mary Grace kundi dalawa pala kami at nagkaroon pa ng isang katatsulok.

Nagkaroon ng pagtatalo. Nahati ang grupo namin. Ang iba, kumampi sa akin at ang iba naman ay sa aking karibal.

Nagkagulo kami hanggang sa kami-kaming mga miyembro ng frat ang nagrambulan.

Nalimutan namin ang sinumpaang pagkakapatiran.

Maraming nalagas sa aming miyembro dahil lang sa isang babae.

Salamat na lang at isa ako sa sinuwerteng mabuhay. Pero minalas naman dahil bumagsak ako sa kulungan. At noon ko lang nagunita ang mga paalala sa akin ng aking mga magulang.

Puro pader at rehas ang nakikita ko sa munting parisukat na kulungan na kinalalagyan ko.

Sana po, magsilbing aral ito sa mga bagong sibol na kabataan para magsilbing leksiyon sa kanila na hindi dapat na isa-isang tabi ang mga payo ng mga magulang.

Hanggang dito na lang po at maraming salamat.

Lumiham din po ako para magkaroon ng mga kaibigan sa panulat na hindi kumikilala sa nakaraan ng isang tao.

Gumagalang,
Zoilo V. Camara

1-B Student Dorm,
M.S.C., Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776


Dear Zoilo,


Talagang laging nasa huli ang pagsisisi.

Sana, kahit ka bumalik na sa buhay sa laya, hindi mo malilimutan ang karanasang ito na siyang magiging gabay mo sa hinaharap.

Mabuti at nagpapatuloy ka ng pag-aaral diyan sa loob. Lalo mong matatanto ang malaking kamaliang nagawa.

Hangad ng pitak na ito ang patuloy mong pagbabago at sana ang matututuhan mo sa eskuwela ay maging kaagapay mo sa pagbabalik sa lipunan.

Makakatagpo ka rin ng mga mabubuting tao na makakaunawa sa iyo.

Sa kabila ng masaklap mong karanasan sa buhay, tumawag ka lang sa Panginoon at diringgin ka niya.

Dr. Love

Show comments