Isa pong masaganang pangungumusta sa inyo at sa lahat ng mga kasamahan ninyo sa PSN.
Ako po ay lumiham sa inyo para maibahagi ko sa inyong column at sa mga tagasubaybay ninyo ang masaklap kong karanasan sa buhay.
Ako nga po pala ay si Roswell Manzano, 38 taong-gulang at kasalukuyang nakapiit sa pambansang bilangguan.
Sa kabila ng madilim kong hinaharap, nagkalakas ako ng loob na magpatuloy ng pag-aaral sa Perpetual Help College (B.S. Commerce) para magkaroon ako ng magandang paghahanda sa paglaya sakalit palaring ma-qualify sa pagpapababa ng sentensiya sa salang nagawa.
Taong 1995, nagkatrabaho ako sa isang optical shop sa Valenzuela City.
Ang akin pong amo na isang optometrist ang siyang nagturo sa akin ng mga dapat kong matutuhan sa aking gawain.
Noon po ay mayroon akong live-in partner na siya kong pinaglalaanan ng paghahanda sa kinabukasan.
Abril 10, 1995 noon, alas-siyete ng gabi at pauwi na kami ni Marites sa aming apartment nang mapadaan kami sa isang grupo na nag-iinuman.
Kami po ay binato ng bote ng isa sa mga lasing sa grupo.
Nakailag po ako pero sinita ko ang namato at nagtalo kaming dalawa. Nauwi ang aming pagtatalo sa patayan.
Napatay ko po sa pamamagitan ng saksak ang namato sa amin ng dala kong screw driver.
Noon din po ay hinuli ako ng mga pulis at dinala sa Valenzuela City Jail. Sinampahan ako ng kasong murder.
Mayo 20, 1999 ako binasahan ng hatol na 14 taon hanggang 17 pagkakabilanggo. Sa ngayon po ay 11 taon na akong nakakulong.
Mayo 20 din po ako iniwan ng aking live-in partner at nag-asawa siya sa iba.
Ang masakit nito, halos lahat ng naipundar kong mga gamit ay nasa kanya.
Mayo 22, 1999 nang dinala ako dito sa pambansang piitan. Halos nawala ako sa sarili sa sama ng loob.
Hindi ko matanggap na sawi ako sa buhay ko. Mayroon pong mga araw at gabi na tulala ako at walang kibo. Naging desperado ako sa nangyari sa aking buhay. Nalampasan ko po namang lahat ito at ngayon nga ay nagsisikap na makapag-aral.
Mangyari lang po sana na tulungan ninyo ako na makahanap ng mga kaibigan sa panulat at ng isang babaeng mamahalin ako sa kabila ng nangyari sa buhay ko.
Salamat po at sana ay lumaganap pa ang pitak na ito.
Gumagalang,
Roswell Manzano
1-B Student Dorm,
YRC, Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Roswell,
Salamat sa liham mo at sana, masumpungan mo ang hanap na katahimikan ng isip at damdamin.
Ang kamalian at ang epekto nito sa buhay mo at sa mga mahal mo sa buhay ay natatanto lang sa sandaling maisagawa na ang krimen, sinasadya man o hindi.
Hindi sana nangyari ito kung pinairal mo ang kahinahunan at hindi mo pinatulan ang isang wala sa katinuan ang pag-iisip dahil nasa impluwensiya siya ng alak.
Magkagayunman, nangyari na ang hindi inaasahan. Magsisi ka man ay huli na.
Huwag mo nang panghinayangan pa ang nakalimot mong live-in partner. Ipagpatuloy mo ang pagpapakabuti at ang iyong pag-aaral.
Iyan ang magagamit mong sandata sa paglaya mo para harapin ang panibagong buhay.
Huwag kang mawawalan ng pag-asa.
Pagbutihin mo ang pagpapakita ng magandang ugali para maging kuwalipikado ka sa pagpapababa ng sentensiya.
Hangad ng pitak na ito na sana ay makatagpo ka ng isang babaeng tapat na magmamahal sa iyo.
Dr. Love