Iniahon sa lusak pero...

Dear Dr. Love,

Isa pong mapagpalang araw para sa inyo at sa lahat ng mga bumubuo ng PSN.

Lumiham po ako sa inyo dahil nabatid kong marami na kayong natulungang may problema sa puso at para na rin maibahagi ko ang aking naging masaklap na karanasan sa pag-ibig. Ito ang dahilan kung bakit namamahay ang kalungkutan sa aking puso lalo na’t narito ako sa kulungan.

Ang pagkaunsiyami ng aking pag-ibig sa isang babaeng minahal ko nang labis ang siyang dahilan kung bakit namumuhi ako at ang poot sa aking dibdib ay hindi magamot.

Ako po'y si Rolando na mula sa isang mahirap na pamilya. Sampung taong gulang pa lamang ako nang pumanaw ang aking mga magulang sa isang car accident.

Mula noon ay hindi na ako nagkaroon ng katahimikan ng isip at ang damdam ko, naging mailap sa akin ang pagkakataon.

Sa lungsod ng Pasay, nakilala ko ang isang babae na tawagin na lang nating Vina. Maganda siya at mabait ngunit kalaunan ay nabatid kong ang mga katangiang ito ay panlabas lamang pala.

Minahal ko siya nang labis pero isang bagay ang napag-alaman ko. Isa pala siyang G.R.O. na nagpapagamit ng katawan kapalit ng kaunting halaga.

Labis po akong nasaktan nang malaman ko ang lihim niya at halos masira ang aking isip.

Pero nangibabaw pa rin ang aking pagmamahal sa kanya. Ginawa ko ang lahat para maiahon ko siya sa maruming gawain. Sa kagustuhan kong maibigay sa kanya ang lahat ng layaw ng kanyang katawan, natutuhan kong gumawa ng masama. Napilitan akong magnakaw sa labis na pagmamahal ko kay Vina.

Ang kaibigan kong si Victor ang malimit kong kasama sa lakad. Taong Marso 12, 1996, nahuli ako ng mga pulis sa kasong robbery homicide. Sa loob lang ng apat na araw na paglilitis, nahatulan akong mabilanggo nang mula 12 hanggang 18 taon.

Dinala ako rito sa pambansang bilangguan noong Enero 12, 1997 kung saan namuhay ako na balot ng kalungkutan. Ang masakit pa nito, nabalitaan ko na lang na si Vina at ang matalik kong kaibigan ay nagsasama na.

Nabalot ng poot ang aking puso. Halos nawalan ako ng pag-asa sa buhay. Galit at paghihiganti ang namuo sa aking puso. Subali’t isang kasamahan ko rito ang nagmalasakit sa akin. Kinausap niya ako at niyayang magpatuloy ng pag-aaral.

Tulad ko rin, masalimuot din ang buhay na pinasok niya kaya naisip kong sa isang banda, tama siya. Nag-aral at dito ko na lang ibinuhos ang aking atensiyon. Nakatulong nang malaki ang aking magandang record.

Sana po, magkapalad ako na mailathala ninyo ang liham na ito at gayundin, nais ko pong magkaroon ng mga kaibigan sa panulat para maibsan ang kalungkutan ko dito sa loob.

Salamat po at lubos akong umaasa na mabibigyan ninyo ako ng mahalaga ninyong payo.

Rolando M. Picana


4-B Student Dorm,

Y.R Bldg. 4,

Camp Sampaguita,

Muntinlupa City 1776


Dear Rolando,


Ang pagtalikod sa iyo ng babaeng minahal mo at gayundin ng matalik mong kaibigan ay isa lang sa mga hamon ng buhay na kinaharap mo at nalampasan.

Natutuhan mo nang kalimutan iyan sa pamamagitan ng pagbubuhos ng panahon sa pagpapatuloy ng pag-aaral.

Huwag mo nang baguhin pa ang tinatahak mong landas. Sana sa paglaya mo, huwag mo nang balakin pang maghiganti at ipaubaya mo na lang sa Panginoon kung ano ang magiging kapalaran nila na isinukli nila sa kabutihang ipinakita mo noon sa kanila.

Mabuti rin sa iyo ang Panginoon dahil inibig niyang makalaya ka nang maaga at natutuhan mong paunlarin ang sarili sa kabila ng kasawian mo.

Mas mabuti ang nagpapatawad at makikita mo matatagpuan mo rito ang katahimikan ng isip at damdamin.

Hangad ng pitak na ito na magkaroon ka ng maraming mga kaibigan sa panulat. Dagdagan mo pa ang tatag ng loob sa pamamagitan ng pananalangin.

Makikita mo, ang naging karanasan mo sa pag-ibig ay hindi mo na masyadong dadamdamin.

Dr. Love

Show comments