Kumusta po kayo?
Tawagin na lang po ninyo akong si Jimmy, tubong Cebu at sa kasamaang palad ay napadpad dito sa bilangguan na hindi ko pinangarap kailanman.
Mula po pagkabata, wala akong ibang ninais kundi maging laging masaya kasama ang aking mga minamahal at maging isang mabuting mamamayan.
Subalit ang kapalaran ay mapagbiro at ang pagkakataon ay mapagsamantala sa isang katulad ko.
Ang lahat ng kabiguan ko sa buhay ay nagsimula nang umalis ang aking girlfriend papuntang Japan.
Labingwalong taong-gulang ako nang magmahal nang lubos at ang buong akala ko ay kami na ng gf ko ang magkakatuluyan.
Pero tutol ang kanyang mga magulang sa aming relasyon dahil mas matanda siya ng anim na taon kaysa akin. Gayunpaman, walang nagawa ang kanyang mga magulang sa kanilang pagtutol.
Noon, ang akala ko, wala nang katapusan ang aming kaligayahan. Pero ang lahat pala ay huwad na kaligayahan.
Minsan, nagpaalam sa akin ang aking nobya para magtrabaho sa Japan. Gusto raw niyang makaipon para sa aming pagpapakasal. Tutol ako sa pag-alis niya.
Pero lingid sa aking kaalaman, nilakad niya ang kanyang mga papeles at nang malaman ko na lang ang lahat, naka-schedule na siyang umalis.
Wala na akong magawa. Pilit ko siyang inunawa.
Pero ang paghihintay ko sa kanya ay nawalang kabuluhan dahil nang umuwi siya, nagdadalang-tao na at nagpakasal pala siya sa isang Hapones.
Lumuwas ako sa Maynila sa sama ng loob. Minsan sa pag-uwi mula sa paghahanap ng trabaho, nakadaan ako sa mga nag-iinumang lalaki. Palibhasa, bagito sa kalakaran sa Maynila, nang pinilit nila akong painumin, wala akong magawa. Matapos mainom ang ibinigay na baso ng alak, muli nilang nilagyan ng alak ang baso at pinaiinom nila ako uli. Tumanggi ako at dito nagalit sa akin ang isang lalaki sa grupo.
Humingi ako ng paumanhin pero bigla na lang may lumagapak sa aking mukha na nasundan pa ng isa uli na siyang nagpasadsad sa akin sa gilid ng tindahan.
Sa hindi ko alam na pangyayari, nakadampot pala ako ng isang kutsilyo at ito ay naisaksak ko sa lalaking sumapak sa akin.
Iyan ang dahilan kung bakit ako narito ngayon sa piitan.
Habang naririto sa loob, sinisikap kong mag-aral uli sa kursong B.S. Commerce major in Management.
Mayroon pa po kaya akong pagkakataong makatagpo ng isang babaeng magmamahal sa akin nang tapat sa kabila ng aking pagiging bilanggo?
Sana po, magkaroon ako ng maraming mga kaibigan sa panulat.
Hanggang dito na lang po at more power to you.
Gumagalang,
Jimmy L. Tandstanud
I-D Student Dorm,
UPHR College Department,
YRC, Camp Sampaguita,
Muntinlupa City 1776
Dear Jimmy,
Habang may buhay, hindi ka dapat mawalan ng pag-asa lalo na ngayong nagsisikap kang mag-aral.
Talagang mapagbiro ang pagkakataon kung minsan pero hindi pa huli ang lahat para mabigyang katarungan ang sinapit mong kapalaran.
Malay mo, mayroon palang magandang kapalarang naghihintay sa iyo sa sandaling makalaya ka na sa piitan.
Huwag mo nang panghinayangan pa ang pag-aasawa sa iba ng dati mong girlfriend. Makakatagpo ka pa ng ibang babae na higit kaysa kanya basta huwag kang mawawalan ng tiwala sa Diyos at sa tao.
Keep up the good work kahit nasa loob ka.
Mabibigyang katarungan din ang itinuturing mong kaapihan mo sa buhay.
Dr. Love