Umulan dahil sa panalangin kay Jesu-Cristo

Sa nakaraang mga linggo ay patindi nang patindi ang init. Ito ang nararanasan ng lahat.

Mabuti na lang at may aircon ang kuwarto namin. Pero hindi naman pwedeng gamitin nang gamitin kasi tataas ang singil ng aming kuryente lalo na ngayon na itinaas muli ng Meralco ang singil sa kuryente ng 22 sentimos bawat kilowatt hour. Napansin ko nga na lumolobo na ang binabayaran naming kuryente. Rati-dati, ang binabayaran lang namin ay mahigit P1,000 sa bawat buwan pero ngayon ay nasa P2,000 na.

Dahil sa tindi ng init hindi po namin makayanan na hindi gumamit ng aircon kaya tumaas lalo ang aming bill sa kuryente na umaabot ng mahigit P3,000 bawat buwan. Hindi lamang kuryente ang tumaas kundi pati na rin ang bayarin namin sa tubig dahil sa isang araw ay apat na beses akong naliligo. Sa umaga, tanghali, hapon pati na sa gabi bago matulog. Hindi lamang ako ang naliligo nang ganoong oras pati na rin ang aking tatlong mga anak at asawa kaya mahigit sa P1,000 ang binabayaran namin na tubig sa bawat buwan. Talagang napakainit at hindi man lamang umuulan kahit ambon at ang aming mga halaman ay natutuyuan. Pati doon sa aming garden, kumukuyukot ang tanim kong mga kamatis, sili, pechay at iba pa dahil sa sobrang init at kailangan talaga silang diligan tuwing umaga at tuwing hapon para hindi sila mamatay. May pagkakataon nga na hindi ko sila nadidiligan dahil may mga lakad din ako para sa ikakabuhay ng aking pamilya.

Dumating sa isipan ko na idalangin ko sa Panginoong Jesu-Cristo na paulanin Niya dahil sa hindi ko na talaga makakayanan ang tindi ng init. Noong nakaraang Linggo, dumalo ako sa pananambahan ng Christ, the Living Stone Fellowship sa Manduluyong City at si Pastor Arman Abad na siyang emcee ang nanguna sa panalangin. Sa kanyang panalangin, hiningi niya sa Panginoong Jesu-Cristo na paulanin sa buong bansa para madiligan ang mga halaman, mga punongkahoy at mga pananim para tumubo at magbunga nang makapagbigay ng pagkain sa mga tao at buto o binhi sa mga magsasaka.

Hindi bagyo o mapinsalang ulan kundi talagang ulan na makakatulong sa lahat ng mga mamamayan.

Galing po ako sa Cubao noong Lunes (Mayo 9) ng gabi dahil doon ang opisinang pinapasukan ko at bandang alas-8 ng gabi ay bigla na lamang umulan at hindi lamang ulan kundi talagang buhos. Akala ko nga babaha na sa aming lugar dahil mababa ang aming subdivision na tinitirhan. Talagang maraming mga naninirahan sa aming subdivision na na-stranded sa tricycle parking area dahil kokonti lamang ang mga tricycle na bumiyahe dahil sa tumaas ang tubig sa daan.

Ang naalala ko lang ay kapag ang nanalangin ay alagad talaga ng Diyos, dinidinig ng Diyos ang kanyang panalangin kagaya sa panalangin ni Pastor Arman.

Purihin ang Panginoong Jesu-Cristo na talagang sumasagot sa panalangin ng Kanyang mga anak katulad ni Pastor Arman at sa akin. Praise the Lord talaga!

Kuya Romy

Cainta, Rizal


(Sa mga nais humingi ng payo, panalangin, pagpapala at iba pa, tumawag lamang sa mga telepono ng CLSF: U-belt, 733-1087; Pandacan, 533-5791/563-2809; Tondo, 251-8243/252-6649; Malabon, 273-8256/270-3836; Q.C., 724-0676; Parañaque, 821-5335; Cainta, 656-7998, at Mandaluyong, 533-5171.)

Show comments