Dapat pa bang mag-asawa muli?

Dear Dr. Love,

Greetings to you and to your legions of readers. Sinulatan kita dahil sa isang problemang bumabagabag sa akin. Gusto ko lang hingin ang opinyon mo kaugnay nito.

Tawagin mo na lang akong Elvie, 40-anyos na biyuda at mayroong dalawang anak na kapwa binata na at nag-aaral sa kolehiyo. Mahal na mahal ako ng aking mga anak. Kaya lang, sa balak kong mag-asawang muli ay pareho silang tutol.

Ayaw daw nilang ipagpalit ko ang kanilang yumaong ama. Inaaya na akong pakasal ng aking nobyo pero hindi ko magawa dahil sa pagtutol ng mga anak ko.

Mahal ko ang aking nobyo at sa palagay ko, may karapatan naman akong humanap ng aking kaligayahan.

Sa tingin mo, dapat pa ba akong mag-asawang muli o hindi na?

Elvie


Dear Elvie,


Oo, may karapatan kang mag-asawa muli. Pero mabigat ang hadlang. Iyan ay ang pagtutol ng iyong dalawang anak sa iyong balak.

Nag-aaral pa kasi sila at siguro’y natatakot na baka sila mapabayaan kung mag-aasawa kang muli.

Tanungin mo ang sarili mo. Ano ang iyong prayoridad, ang nobyo o ang mga anak mo? Kung ako ikaw, ipa-prayoridad ko at igagalang ang gusto ng aking mga anak.

May pananagutan ka sa kanila. Baka masira ang buhay nila kung lalabag ka sa gusto nila na huwag nang mag-asawa pa.

Nasa sayo ang desisyon.

Dr. Love

Show comments