Broken Heart

Dear Dr. Love,

Isa po ako sa tagasubaybay ng inyong column. Matagal ko na pong gustong sumulat sa inyo pero nagdadalawang-isip po ako. Ako po ay 21-anyos at ang problema ko ay tungkol sa lalaking nagpaasa at nagpaniwala sa akin na mahal niya ako–si Mr. J.D., 25 years-old at taga-Caloocan City.

Noong una ay malambing at mabait siya sa akin. Isang araw ay nagpakitang muli sa kanya ang dati niyang girlfriend. Mahal pa niya ito. May nangyari na sa amin at hindi lang isa o dalawang beses kundi maraming beses na. Sinabi ko sa kanya na maghiwalay na lang kami dahil nasasaktan ako tuwing nakikita kong nag-uusap sila ng ex-girlfriend niya. Magkasama kasi kami sa trabaho at pareho kaming stay-in. Halos araw-araw ay pumupunta dito ang dati niyang nobya at hindi nito alam na may relasyon kami ng ex-boyfriend niya. Masakit man pero nakipag-break muna ako sa kanya. Ayaw niya pero ayaw din naman niyang hiwalayan ang ex-girlfriend niya.

Umalis ako sa lalawigan namin noon dahil may lalaking nagmamahal sa akin at gusto akong pakasalan pero ayaw ko pang mag-asawa dahil gusto ko pang makatulong sa mga magulang ko at mga kapatid. September 2000 sana ang kasal namin pero hindi ito natuloy dahil umalis nga ako at nagpunta dito sa Maynila. Iyak daw ng iyak noon ang dati kong boyfriend. Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari sa akin sa Maynila, sana ay hindi na lang ako lumuwas at nag-asawa na lang ako. Wala akong mukhang ihaharap sa lalaking umaasa na sa pag-uwi ko ay pakakasal na kami.

Ano po ba ang dapat kong gawin? Naisumpa ko sa sarili kong hindi na muna ako iibig. Sa ngayon ay balak kong mag-abroad. Sabi ni Mr. J.D., kapag hindi raw sila nagkatuluyan ng dati niyang nobya ay hahanapin daw niya ako. Tama po bang lumayo na lamang ako? May magmamahal pa ba sa akin nang tapat?

Nagmamahal,

Broken Heart

8th Avenue, Caloocan City


Dear Broken Heart,


Tama lang na nakipag-break ka sa lalaking salawahan na matapos mong pagtiwalaan ay susugatan ang iyong puso.

Kung lalayo ka man, tiyakin mo na sa lugar na pupuntahan mo ay mapapabuti ang kalagayan mo.

Isipin mo ang maraming nagsipag-abroad na nangabigo rin. Huwag kang karakarakang susuong sa ano mang bagay nang hindi pinag-iisipang mabuti.

Hinggil sa isa pang lalaking nag-alok sa iyo ng kasal, pag-aralan mo ang kanyang pagkatao at katapatan sa inaalok sa iyong pag-ibig.

Kung minsan, napag-aaralan din ang pag-ibig. Malay mo, baka siya ang lalaking magdudulot sa iyo ng kaligayahan. Sana, ang nakalipas mo’y magsilbing aral upang huwag ka na muling ma-broken hearted.

Dr. Love

Show comments