Bakit may mahirap at mayaman?

Dear Dr. Love,

Tawagin na lamang ninyo akong "Unlucky" dahil hanggang ngayon ay biktima pa rin ako ng kahirapan. Kaya tuloy ang pag-asa kong matapunan ng pansin ng babaeng minamahal ko ay malabong-malabo na.

Bagaman mahirap, sinisikap ng mga magulang kong maipagpatuloy ang pag-aaral ko. Kalakip na rin ang sipag at tiyaga, nagagawa ko naman ito dahil isa akong self-supporting student.

Hindi ko naman akalain na tumibok ang puso ko sa isang maganda at mayaman na babae.

Hindi ko akalain na mayaman ang pamilya ni Malou kaya't nakipagsapalaran akong magtapat sa kanya ng aking hangarin. Mabait si Malou at hindi naman niya ako hinamak. Pero ang kanyang mga magulang ang siyang diretsahang nagsabi sa akin na tigilan ko na ang kasusunod sa kanilang anak dahil wala akong maaasahan.

Naunsiyami kaagad ang una kong pag-ibig kung kaya't hanggang ngayon ay hindi ko magawang tumingin uli sa ibang babae sa pangambang matulad sa una kong karanasan ang pagkaunsiyami sa pag-ibig.

Sa ngayon ay pag-aaral na lang ang inaatupag ko at hangad ko na sana ay makaahon din ako sa hirap para hindi ako matahin ng pamilya ng babaeng liligawan ko.

Mahal ko pa rin si Malou at humingi nga siya sa akin ng pasensiya nang malaman ang ginawa ng kanyang mga magulang. Ito po ba ay nangangahulugan na may pagtingin siya sa akin? Kailangan ko po bang ipagpatuloy ang panliligaw sa kanya sa kabila ng nangyari?

Sana ay payuhan ninyo ako. Thank you and God bless.

Unlucky


Dear Unlucky,


Salamat sa liham mo at mga papuri.

Wala kang kasalanan kung ang nagustuhan mo man ay isang mayaman.

Mayroon nga tayong kasabihang hindi puwedeng turuan ang puso kung sino ang dapat at hindi dapat na ibigin.

Pero dahil ika mo ay napahiya ka sa unang tangkang maibig ng isang maganda at mayamang dalaga, makabubuting hangarin mo na munang makatapos ng pag-aaral para naman may maipagmalaki kang katangian sakali't manligaw ka uli sa iba.

Ang paghingi ni Malou ng paumanhin sa ginawa ng kanyang mga magulang ay atas ng kagandahang asal at hindi nangangahulugan na may gusto rin siya sa iyo.

Nagkalamat na rin naman ang una mong pagtatangka, makabubuting bigyan mo na muna ng paggalang ang sarili mo. Nakaapekto ika mo sa iyong sarili ang paghamak ng mga magulang ni Malou. Sikapin mong makabangon sa kasalukuyan mong kalagayan.

Makakatagpo ka rin ng ibang babaeng magpapahalaga sa iyo bilang ikaw at hindi sa kung ano ang antas ng iyong pamumuhay.

Good luck to you. Dr. Love

Show comments