Muli akong nagmahal

Dear Dr. Love,

Isa po ako sa masugid na tagasubaybay ng inyong column. First time ko pong lumiham sa inyo at sana ay mabigyan ninyo ng payo ang aking problema.

Itago na lamang ninyo ako sa pangalang Onnie, 30-taong gulang, may asawa at tatlong anak.

Sa kabila ng aking kalagayan sa buhay, muli kong natutuhan ang magmahal sa isang babae na tulad ko ay mayroon na ring asawa’t anak.

Sa kabila ng hadlang na ito, hindi namin naiwasan ang magmahalan. Pero ang pagmamahalan namin ay may kasamang paggalang sa isa’t isa dahil kapwa namin batid na mayroon na kaming pamilya.

Sa kabila ng kalagayang ito, tunay pong mahal na mahal ko ang babaeng ito na tawagin na lamang nating Abbie.

Hindi ko po magawang limutin siya. Kasama ko ang alaala niya hanggang sa pagtulog.

Ang damdamin ko pong ito ay may katugon ding pagmamahal na mula sa kanya. Malimit niyang sinasabi sa akin na mamahalin niya ako hanggang nabubuhay kaming dalawa.

Wala pong nakakaalam nito kundi kaming dalawa lamang.

Ano po ba ang dapat naming gawin? Tama po ba ang ginagawa namin? Inaasahan ko po ang inyong mahalagang payo.

Maraming salamat po.
Onnie


Dear Onnie,


Salamat sa liham mo at nauunawaan ko ang damdamin mo.

Pero hindi makatarungan sa panig ng iyong asawa at mga anak, gayundin sa asawa at anak ni Abbie, ang pagmamahalan ninyo.

Ang paglawig pa ng lihim ninyong pagtitinginan ni Abbie, bagaman sinasabi mong may kasamang paggalang sa isa’t isa, ay hindi maaaring tumagal nang walang mamamagitang seksuwal na relasyon sa mga darating na panahon.

Diyan ka magkakaproblema at maaapektuhan nang malaki ang iyong pamilya. Huwag kang maging makasarili. Paano ang damdamin ng iyong asawa at mga anak? Ano ba naging kasalanan niya/nila sa iyo?

Hindi mo dapat ipagtaka kung bakit natutuhan mong ibigin si Abbie na tulad mo marahil ay naghahanap din ng excitement sa buhay, hindi kaya?

Pag-aralan mong mabuti ang pinagmulan ng lihim ninyong relasyon ni Abbie. Hindi kaya mayroon kang hinahanap na wala sa iyong asawa?

Kung pareho kayong buhos sa pagtatrabaho, kung minsan, nakakaligtaan na ninyong kailangan din namang magkaroon ng renewal ang inyong pagsasama. Dumating na ba sa puntong boring na sa iyo ang pananatili sa bahay?

Habang maaga at habang wala pang namamagitang relasyong seksuwal sa inyo ni Abbie, kalimutan mo na siya. Marami ng pamilya ang nawasak dahil sa ganitong relasyon. Gusto mo bang mangyari ito sa pamilya mo?

Ang kabutihan ng mas nakakarami ang siya mong dapat na bigyan ng pangunahing pansin kaysa sa pansarili mong satisfaction.

Dr. Love

Show comments