Magandang araw po sa inyo at sa buong staff ng PSN. Tawagin na lamang ninyo akong Miss Pretty Girl, 24 years-old ng Malolos, Bulacan.
Nais ko pong humingi ng payo sa kasalukuyan kong problema sa puso.
Mayroon po akong kaibigan. Magkasama kami sa trabaho. Mabait po siya at noong una, ang turing ko sa kanya ay isang tunay na kaibigan. Pero sa tinagal-tagal ng aming pagsasama, ipinagtapat niya sa aking mahal niya ako.
Noong una ay hindi ko maaming malapit din siya sa aking puso dahil ang turing ko nga sa kanya ay isa lang malapit na kaibigan.
Pero ang totoo, napamahal na rin siya sa puso ko. Ang hindi ko nga lang matanggap para magkaroon kami ng tunay na relasyon ay ang pangyayaring mas matanda ako kaysa sa kanya nang limang taon. Labing- siyam na taon siya samantalang ako naman ay 24.
Damdam kong napalapit na siya sa loob ko at sa kanya ko natagpuan ang lahat ng katangiang hanap ko sa isang lalaki.
Alam kong pareho kaming nagmamahalan. Mahal niya ako at mahal ko rin siya.
Wala naman akong problema sa kanya kung ang pag-uusapan ay ang pamilya ko.
Sinabi niyang bibisita siya sa aming probinsiya para makilala niya ang mga kamag-anakan ko. Sinawata ko siya sa pagsasabing malayo ang aming lugar.
Ayaw niyang paawat dahil kahit malayo raw ang aking probinsiya ay pilit niyang mararating alang-alang sa akin.
Payuhan po ninyo ako kung dapat ko bang tanggapin ang lalaking ito.
Lubos na nagpapasalamat,
Miss Pretty Girl of Malolos, Bulacan
Dear Miss Pretty Girl,
Wala sa edad ang pagtatagumpay ng isang magandang pagsasama ng magkasintahan kahit na nga sa pagitan ng mag-asawa.
Ang limang taong pagitan ng inyong edad ay hindi naman masyadong malaking agwat para hindi kayo magkaintindihang dalawa.
Ang mahalaga sa isang relasyon ay ang damdaming namamagitan sa isat isa, pagkakasundo sa maraming bagay, pagkakaroon ng pang-unawa sa isat isa, responsable at maganda ang komunikasyon.
Kailangan ding may respeto kayo sa bawat isa.
Kung sa palagay mo ay nagkakaintindihan kayong dalawa, hindi sagwil ang limang taong agwat ng edad sa pagitan ninyo.
Kung wala namang tutol ang mga magulang mo kay Mr. Leo, bakit hindi mo siya pabayaang makadalaw sa inyong lalawigan? Doon mo siya higit na makikilala.
Dont worry about the age gap. Thank you for your letter at sana ay hindi ka mabigo sa bata mong mangingibig.
Dr. Love